Bus

Todas na 1 pasahero ng sumalpok na jeep sa poste

30 Views

NAMATAY na ang isa sa lalaking pasahero ng modern jeepney na sumalpok sa poste sa kanto ng P. Tuazon Boulevard at 15th Avenue, Barangay. San Roque, Quezon City, noong Linggo.

Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Traffic Enforcement Unit Chief P/Lt Col. Josef Geoffrey Lim, ang nasawing pasahero ay katabi ng driver nang maganap ang aksidente.

Naipit ang binti nito dahilan upang maputulan ng paa. Binawian din ito ng buhay sanhi ng grabeng pinsala.

Noong Linggo, alas -2:17 ng hapon, sumalpok ang modern jeepney sa poste na minamaneho ni John Angelo Paseos na umaming nakaidlip kaya nawalan ng kontrol sa sasakyan.

Halos mayupi ang jeep ni Paseos at wasak din ang nabangga niyang poste dahilan upang 17 pasahero ang nagtamo ng mga grabeng pinsala sa katawan, kabilang ang nasawi.

Nabatid sa isang nakaligtas na pasahero na nakaupo sa dulong upuan, nasa Montalban Rizal pa lamang umano sila ay napansin na niyang ang pa-zigzag na pagmamaneho ng driver ng jeepney.