Senador Francis ‘Tol’ Tolentino

Tol mas naintindihan pangarap, kwento ng ordinaryong Pinoy sa kampanya

17 Views
ANG 90 araw ng kampanya ay nagbigay ng pagkakataon kay Senador Francis ‘Tol’ Tolentino para mas maintindihan ang pangarap at kwento ng mga ordinaryong Pilipino. 
 
Ito ang ibinahagi ni Tolentino sa kanyang talumpati sa Miting de Avance ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na ginanap sa Mandaluyong City Biyernes ng gabi. 
 
“Ang kayamanan ng karunungan na nakuha ko sa loob ng 90 araw ay katumbas ng isang talambuhay,” sinabi ni Tolentino sa mga dumalo. 
 
“Habambuhay kong itatangi ang mga kwento ninyo. Nagpapasalamat ako sa lahat ng aking mga nakausap, at sa pagkakataon na mapakinggan ninyo,” dagdag nya. 
 
Mula sa pag-arangkada ng kampanya ng Alyansa sa Ilocos Norte, inalala ni Tolentino kung paano sya nakipag-ugnayan sa mga lokal na lider at mga sektor sa iba’t ibang bahagi ng bansa. 
 
“Nagpapasalamat ako sa ating mga magsasaka, mangingisda, at mga tsuper ng dyip na hanggang sa ngayon ay nagsisikap umangkop sa modernization program. Sa mga OFW na nakausap ko sa Hong Kong at Singapore, at sa lahat ng naririto ngayon,” aniya. 
 
Bilang pagtatapos, nagpahayag ng pag-asa si TOL na ang pagkakahati-hating nilikha ng pulitika ay muling maghihilom at tutungo sa mas malakas at nagkakaisang Pilipinas.