Tolentino

Tolentino: Landmark Archipelagic Sea Lanes Law, aprub sa bicam panel

71 Views

INAPRUBAHAN ng mga miyembro ng bicameral conference panel nitong Miyerkules ang pinag-isang bersyon ng Senado at Kamara na panukalang Archipelagic Sea Lanes (ASL) Law.

Pinuri ni Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino, pinuno ng Senate panel, ang pagkakapasa ng panukala, na aniya’y makatutulong sa pagpapatibay sa maritime domain ng bansa, gayundin sa pagpapalakas ng integridad ng teritoryo at pambansang seguridad nito.

Dagdag ng senador, ipinatutupad ng panukala ang mga probisyon ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga Archipelagic Sea Lanes (ASLs) ng bansa. Pangangasiwaan din nito ang pagdaan sa naturang ASLs ng mga banyagang sasakyang panghimpapawid at pandagat.

Matapos ipasa, isusumite ng pamahalaan ang batas sa International Maritime Organization (IMO), na sya namang magbibigay-alam sa iba pang mga bansa tungkol sa ASL Act, ayon kay Tolentino.

“Mahigpit ang mga mekanismo ng IMO, at kung hindi sila susunod (banyagang sasakyang panghimpapawid at pandagat, kasama na ang military warships at aircraft), maaari nating tanggihan ang kanilang pagdaan sa ilalim ng panukalang batas na ito,” paliwanag ng senador.

“Pinapasalamatan namin ang mga miyembro ng House contingent para sa kanilang pagdalo at mabilis na pagresolba sa mga nagkakaibang probisyon,” dagdag niya.

Binigyang-diin naman ni Rep. Maria Rachel Arenas, pinuno ng House panel, ang kahalagahan ng panukalang batas na alinsunod sa 2016 Hague arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas.

“Magtratrabaho tayo upang matiyak na sa ilalim ng 19th Congress ay mapipirmahan ng Pangulo ang Archipelagic Sea Lanes Law. Matagal nang overdue ang batas na ito at isa ito sa mga pinakamahalagang hakbang na ating isinagawa,” pahayag ni Arenas.

Kabilang sa mga dumalong miyembro ng Senate panel sina Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel at Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Para sa House contingent, nakasama ni Arenas sina Minority Leader Marcelino Libanan, Representative Loreto ‘Ton’ Acheron, at Representative Raul ‘Boboy’ Tupas.

Inianunsyo ni Tolentino, na siya ring chair ng Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, na ang dalawang panukalang batas na kanyang iniakda at inisponsor — ang Maritime Zones Bill at ang Archipelagic Sea Lanes Bill — ay inaasahang isusumite kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa susunod na linggo.