Roro Source: Kiko Pangilinan FB

Toll libre sa agri trucks; RoRo fee P1 na lang

44 Views

IPINATUTUPAD ang toll-free food lane sa mga expressway at P1 roll-on/roll-off terminal fee para sa mga raw materials at kargo na pang agrikultura bilang bahagi ng mga hakbang upang mapababa ang gastos sa pagdadala ng mga produktong pagkain at agrikultura sa gitna ng tumataas na gastos sa logistics.

Sinabi ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na simula sa Abril 20 ay hindi muna sisingilin ng toll fee ang mga truck na may kargang produktong agrikultura at pagkain sa lahat ng expressway.

Ibinaba naman sa P1 ang RoRo terminal fee para sa mga sasakyang may kargang hilaw at hindi pa napoprosesong produktong agrikultura simula pa noong Abril 10.

Naisakatuparan ang mga hakbang sa koordinasyon ng Department of Transportation, Toll Regulatory Board, Department of Agriculture, Philippine Ports Authority, mga tollway operator at mga opisyal ng pantalan habang kumikilos ang pamahalaan upang suportahan ang suplay ng pagkain at mapagaan ang gastos sa logistics.

Sa liham sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na unang ipatutupad sa loob ng isang buwan ang toll-free na hakbang para sa food logistics at maaari pa itong palawigin depende sa review, assessment at mga susunod na pagtalakay.

Mananatili ng anim na buwan ang P1 RoRo fee at sasailalim din sa review para sa posibleng pagpapalawig, pagbabago o pagtitigil.

Sinabi ni Lopez na layunin nitong suportahan ang katatagan ng food supply chain, lalo na sa inter-island transport ng mga pangunahing produkto.

Para makakuha ng toll exemption, kailangang tumupad ang mga truck na may kargang produktong agrikultura sa umiiral na mga rekisito para sa toll discounts, kabilang ang rehistro sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, akreditasyon mula sa Department of Agriculture at RFID registration.

Ang mga sasakyang nais maka-avail ng P1 RoRo fee ay kailangang may dalang kuwalipikadong agricultural cargo na nakasaad sa shipping manifest o suportado ng mga dokumentong inisyu o kinikilala ng Department of Agriculture.

Beripikado ang mga kargamento ng Port Management Office o ng terminal operators bago payagang makapasok alinsunod sa umiiral na port procedures.

Sinabi ni Pangilinan na marami pang kailangang gawin upang matiyak na sapat, abot-kaya at abot-kamay ang pagkain ngunit inilarawan niya ang bagong transport relief bilang mahalagang hakbang para sa mga magsasaka, mangingisda, negosyante at mamimiling humaharap sa mataas na gastos sa gasolina at logistics.