Trabahador patay sa aksidente sa loob ng mixer sa Pampanga

Bernard Galang Sep 21, 2024
6 Views

PATAY ang isang 27-anyos na manggagawa noong Biyernes sa isang aksidente sa makina sa feed mill Lungsod ng San Fernando sa Pampanga.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ni Pampanga police director Col. Jay Dimaandal ang biktima na si Eleazar Mijares, 27, ng Apartment 3, Purok 1, Bgy. Baliti, Lungsod ng San Fernando.

Ang suspek ay si Danilo Soyosa, 31,na katrabaho ni Mijares.

Sina Mijares at Soyosa ay parehong manggagawa sa UNAHCO Feed Mill Inc. na matatagpuan sa Purok, Bgy. Baliti.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na bago ang aksidente, sina Mijares at Soyosa ay parehong inaayos ang mixer shafting sa ikalawang palapag ng feed mill.

Pumunta si Soyosa sa ikatlong palapag ng mixer at binuksan ito, hindi niya alam na nasa loob pa rin ng mixer si Mijares.

Nakarinig si Soyosa ng sigaw mula sa loob ng makina at nang makitang nasa loob pa rin ng mixer blade si Mijares ay agad nitong pinatay ang switch at humingi ng tulong sa kanilang mga katrabaho para alisin ang biktima sa loob ng mixer.

Sinubukan ng mga rumespondeng miyembro ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na buhayin ang biktima ngunit hindi ito nagtagumpay.

Dinala si Mijares sa klinika ng kumpanya, kung saan idineklara siyang patay ni Dr. Junces dela Cruz.

Sinabi ng pulisya na si Soyosa ay kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide.