Barbers

Translation ng impeachment vs VP Sara sa iba’t ibang dialects tinitingnan

22 Views

SINABI ni House Prosecution Panel tagapagsalita at tagapayo sa impeachment na si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers nitong Miyerkules na pinag-aaralan ng panel ang pagkuha ng mga tagasalin sa mga pangunahing wika sa Pilipinas, kabilang ang Bisaya, Hiligaynon, Bikolano, at iba pa, upang maipaliwanag nang malinaw at tumpak sa publiko ang paglilitis sa impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte.

Ayon kay Barbers, layunin ng inisyatibang ito na gawing mas madaling maunawaan ang mga pagdinig, lalo na para sa mga Pilipinong mas komportableng tumanggap ng impormasyon sa sarili nilang wika.

“Napakalawak ng usapin ng impeachment. Hindi ito usaping legal lang. May procedural, may legal, at may public information aspect. Kaya hindi ito kayang ipaliwanag ng iisang tao lamang.

Kailangan ng team na may iisang mensahe at iisang naratibo,” ani Barbers.

Ipinaliwanag niya na habang may mga abogado ang panel na nagsisilbing tagapagsalita para sa mga usaping legal at procedural, ang kanyang tungkulin naman ay palakasin ang komunikasyon sa publiko at tiyaking nakararating ang tama at napapanahong impormasyon sa karaniwang mamamayan.

“Plano naming ipaliwanag ang proseso sa iba’t ibang wika para mas maraming Pilipino ang makaintindi at hindi mabiktima ng maling impormasyon,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Barbers na ang proseso ng impeachment ay isang mekanismo ng pananagutan na itinatadhana ng Konstitusyon at maaaring ipatupad kahit laban sa pinakamakapangyarihang mga opisyal ng pamahalaan. Aniya, nararapat lamang na maunawaan ng publiko kung paano ito isinasagawa bago sila bumuo ng sariling pananaw.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na mismong panoorin ang paglilitis sa halip na umasa lamang sa mga komentaryo sa social media.

“Live ang proceedings kaya hinihikayat namin ang publiko na panoorin ito mismo. Habang tumatakbo ang paglilitis, asahan nating dadami ang fake news at iba’t ibang interpretasyon. Mas mabuti pa ring makita at marinig mismo ng taumbayan ang ebidensya at proseso kaysa umasa sa mga haka-haka o maling impormasyon,” ani Barbers.

Binigyang-diin niya na layunin ng prosekusyon hindi lamang na iharap ang kanilang kaso sa impeachment court kundi tiyakin ding nauunawaan ng publiko ang prosesong itinakda ng Konstitusyon batay sa mga katotohanan, ebidensya, at sa tuntunin ng batas.