Travel authorities na walang detalye sa ‘absent’ na OVP execs ‘unusual’

75 Views

ISANG opisyal mula sa Office of the Vice President (OVP) ang umamin na ang travel authorities na walang detalye na inisyu para sa mga OVP executive na hindi dumalo sa House Blue Ribbon hearing ay ginawa sa isang hindi karaniwang paraan.

Ito ay nagdulot ng matinding pagkabahala kay Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, na nagsabing ang nasabing travel orders ay walang mahahalagang detalye na kinakailangan ng batas, gaya ng petsa, oras at lugar.

“Regular ba o irregular ‘yung travel authority na ‘yan? In your own experience and based on the practices in your office, is it regular or irregular, without dates, without the specific place?” tanong ni Paduano kay Reosalynne Sanchez, pinuno ng administrative at finance services department ng OVP.

Sagot ni Sanchez, “Mr. Chair, it’s not common, this is the first time.”

“So that’s irregular,” diin ni Paduano.

“That is not usual, Mr. Chair,” muling tugon ni Sanchez.

Sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee nitong Miyerkules ukol sa diumano’y hindi regular na paggamit ng confidential funds ng opisina ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Paduano ang legalidad ng mga travel orders na ito, binibigyang-diin ang mga inconsistency sa detalye nito.

“Looking back, balikan ko lang ‘yong excuse letter no’ng nakaraan, for example, in the case of Gina Acosta, may travel authority siya ‘di ba that time, and their travel during the time was I think in Bacolod City, sa satellite office. Malinaw po doon sa travel authority niya, sinubmit niyo po dito, naka-specify dito ‘yong date at saka place,” ani Paduano.

“Now, today, ang problema niyo kasi Ma’am, Atty. Sanchez, alam mo ba ang problema niyo kasi ngayon nilalabas niyo na walang specific area. Ma’am, talagang tinatago niyo,” dagdag pa niya.

Ipinunto rin niya na ang travel authority ni Acosta dati ay malinaw na may oras at lokasyon, ngunit ang mga kasalukuyang travel orders ng OVP ay walang ganoong detalye.

Binigyang-diin ni Paduano ang implikasyon ng mga vague travel orders na maaaring magdulot ng pagkakaiba sa pagitan ng certificate of appearance at travel authority.

“For example, naka-stipulate do’n Bacolod City, or Region 6 satellite office. Pero ‘yong certificate of appearance niya sa ibang satellite office, would you honor it?” tanong niya.

Sagot ni Sanchez, “No, Mr. Chair.”

Binatikos ni Paduano ang paggamit ng unspecified travel details bilang dahilan ng absences ng mga opisyal ng OVP, at binalaan si Sanchez laban sa pagbibigay ng maling impormasyon sa komite.

“That’s why ‘wag niyo gamiting palusot dito na walang specific time, date and place. Lastly, I just want to warn you, don’t you know, by telling (that) in this committee, you’re violating Section 11 of our rules, letter F po, undue interference,” wika ni Paduano.

Ipinaalala ng mambabatas ang internal rules ng House na nagbabawal sa undue interference sa mga nakatakdang pagdinig at binigyang-diin ang maaaring kahinatnan ng hindi pagsunod.

“I just want to inform you Ma’am, and if you want to check it, you can check it in our website,” saad pa niya.

Nilinaw naman ni Sanchez na kanyang sinuri ang mga rekord at nakumpirma ang dalawang travel orders na inisyu kay Acosta.

“For the period of November 10 to 15… Ms. Gina Acosta travelled to a satellite office, and (it is) place specific. But Mr. Chair another travel order was issued for the period of November 18 to 22,” paliwanag nito.

Gayunpaman, iginiit ni Paduano na tiyakin ni Sanchez ang katotohanan ng kanyang mga pahayag, at binalaan siya laban sa panlilinlang sa komite.

“Attorney, I just cited our internal rules. I hope you will answer truthfully so that this committee will not be forced to cite you in contempt, gano’n lang po,” diin ni Paduano.

Ang palitang ito ay nagpapakita ng tumitinding pagsusuri sa mga opisyal ng OVP ukol sa kanilang paggamit ng pampublikong pondo at pagdalo sa mga pagdinig sa Kongreso.

Ang matatag na paninindigan ni Paduano ay sumasalamin sa layunin ng komite na tiyakin ang accountability at transparency sa operasyon ng gobyerno, lalo na sa isyu ng vague travel orders na nagpapataas ng pangamba ukol sa mga iregularidad sa paggamit ng confidential at discretionary funds ng OVP.