LTO

Truck driver na sangkot sa aksidente sa Quezon pansamantalang sinuspinde lisensya

Jun I Legaspi May 12, 2025
80 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na panatilihing ligtas ang mga lansangan, pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince B. Dizon, ang lisensya ng isang drayber ng trak na sangkot sa isang viral na aksidente sa Quezon province.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan din nila ang drayber ng trak na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang kanselahin ang kanyang lisensya dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle, isang paglabag sa Republic Act 4136.

“Pati ang operator ng trak ay pinadalhan din ng notice upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa sa pagkuha ng isang reckless driver,” ani Asec. Mendoza.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng LTO-Intelligence and Investigation Division sa pangunguna ni Renante Melitante, binabaybay ng trak ang pababang bahagi ng kalsada mula Atimonan patungong Plaridel nang mawalan ito ng preno.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang sasakyan at tuluyang tumagilid.

Nagkaroon ng pinsala ang trak na hindi pa matukoy ang kabuuang halaga, habang ang drayber at pasahero ay nagtamo lamang ng bahagyang pinsala.

Sa SCO na inilabas ni Melitante, inatasan din ang drayber ng trak na isuko ang kanyang lisensya sa unang pagdinig na itinakda sa May 16.

Ayon pa kay Asec. Mendoza, bahagi rin ng imbestigasyon ang pagtiyak kung regular na pinapanatili ng operator ang maayos na kondisyon ng mga yunit nito.

Matatandaang pinaigting ng LTO ang operasyon laban sa mga pasaway na drayber at operator ng mga trak matapos ang malagim na aksidente sa Katipunan Flyover noong Disyembre ng nakaraang taon.

Daan-daang drayber ng trak na may paglabag ang nahuli at nabigyan ng Show Cause Orders dahil sa mga paglabag gaya ng paggamit ng pudpod na gulong.