ASF Source: DA file photo

Truck na may kargang 30 ASF-infected baboy mula Batangas naharang

Bernard Galang Sep 24, 2024
62 Views

ISANG truck na may kargang may 30 baboy na nagpositibo sa Asian Swine Flu mula sa Batangas ang naharang noong Lunes sa ASF checkpoint sa Tandang Sora, Quezon City na pinamamahalaan ng mga miyembro ng Provincial Veterinary Office ng Bulacan kasama ang mga tauhan ng QCPD.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ng Bulacan police ang driver ng hog truck na si Ardy Tolentino, 38; at helper na si Henry Olan, 42, kapwa ng Bgy. Tipakan, Lipa, Batangas.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na ang Isuzu truck na may plate number TQR 971 na kargado ng 30 ASF-infected na baboy na pag-aari ni Isidro Tolentino, 36, residente rin ng Bgy. Tipakan, Lipa, Batangas, ay dadalhin sa Novaliches, Quezon City noong naharang.

Matapos ang interception, dinala ang mga baboy sa Provincial Engineering Office sa Guiguinto, Bulacan na sinamahan ng mga tauhan ng Bulacan 1st PMFC.

Nasa lugar din sina Dr. Lei Princess Quilang, division head ng Animal Health and Regulatory Division ng Bulacan Provincial Veterinary Office, at veterinarian Ed Alfredo Zamora, ng Bureau of Animal Industry, gayundin ang over-all supervisor ng NCR checkpoints na itinalaga para sa ang tamang pagtatapon ng mga baboy na infected ng ASF.

Sinabi nina Quilang at Zamora na ang PEO sa Bgy.Tabang bilang libingan ng mga baboy na may ASF ay pangako ni Bulacan Governor Daniel Fernando at provincial veterinarian Dr. Voltaire Basinang, at siniguro nilang mga baboy na nagpositibo sa ASF ay itatapon nang maayos.

Samantala, ang driver at ang helper ng truck ay nasa kustodiya at disposisyon na ngayon ng Bureau of Animal Industry.