Pangilinan

Tsino iginiit na walang kilalang Pinoy, ipina-contempt ng 3 senador

141 Views

TATLONG senador ang sabay-sabay na naghain ng mosyon upang ipa-contempt ang isang Chinese national na iniimbestigahan sa agricultural smuggling, matapos nitong paulit-ulit na igiit sa ilalim ng panunumpa na wala siyang lokal na kakilala, sa kabila ng operasyon ng kanyang negosyo sa Pilipinas.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, sina Senador Erwin Tulfo, Francis “Kiko” Pangilinan, at Raffy Tulfo ang nanguna sa pagsasampa ng contempt laban kay Chaoquin Shi, isang Chinese national na kinilalang umuupa sa Freezer No. 8 ng Vigour Global Freezer sa Subic, Zambales.

Ayon sa Bureau of Immigration, naaresto si Shi sa paliparan habang umano’y tangkang lumabas ng bansa. Iniimbestigahan siya ng Senado kaugnay ng mga container na naunang nasabat na may lamang agricultural goods na walang kaukulang dokumento.

Sa pagtatanong ni Senador Erwin Tulfo, sinabi ni Shi sa pamamagitan ng isang Chinese interpreter na “wala siyang kilalang Pilipino” at simula noong 2017 ay siya lamang daw ang gumagawa ng lahat ng transaksyon.

Dahil dito, inihain ni Senador Tulfo ang mosyon: “I move to cite this person in contempt for continuously lying before this committee. Niloloko tayo.” Hiniling pa niya na si Shi ay pansamantalang ikulong sa pasilidad ng Senado sa halip na sa warden center ng Bureau of Immigration.

Tinanong din ni Senador Raffy Tulfo kung paano nagawang magnegosyo ni Shi nang mag-isa. “Sino ang tumulong sa ‘yo sa passport, business registration, at sa pag-upa ng freezer?,” tanong niya. Nanindigan si Shi na wala siyang lokal na kasosyo.

Ipinahayag ni Senador Pangilinan na hindi katanggap-tanggap ang mga sagot ni Shi at sinabing, “His responses raise more questions than answers.” Bilang chairman ng komite, agad niyang sinuportahan ang contempt motion.

Binigyang-diin ni Pangilinan na ang agricultural smuggling ay higit pa sa usaping pang-ekonomiya. “This is not just about rotten vegetables or fruits. This is about protecting our farmers and ensuring that safe, affordable food reaches every Filipino household,” aniya.

Inaprubahan ng komite ang mosyon upang isailalim sa contempt si Shi.

Sa parehong pagdinig, pinuna rin ng mga senador ang tila kahina-hinalang proseso sa mga cold storage at daungan, na anila’y posibleng ginagamit upang iwasan ang tamang pagsusuri ng Bureau of Customs. Iginiit ni Senador Erwin Tulfo ang pangangailangan ng isang centralized digital tracking system.

“Kailangan natin ng unified digital database,” ani Tulfo. “Kailangang real-time nating makita kung sino ang consignee, nasaan ang shipment, at sino ang mananagot.”

Inaasahang ipatatawag pa ng Senado ang iba pang sangkot sa susunod na pagdinig upang tukuyin ang lawak ng operasyon at posibleng mga lokal na kasabwat sa smuggling network.