Calendar
Tsino, nagpanggap na Pilipino arestado sa BI
INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division noong Abril 10 sa Brgy. Malainin, Ibaan, Batangas ang isang Chinese national na nagpanggap na Pilipino.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr., inaresto si Zhou Jianxiao, 35, ng BI Regional Intelligence Operations Unit 4A, sa pakikipagtulungan ng Batangas Police Provincial Office.
Siya ay kinasuhan matapos umanong gumamit ng mga dokumentong Pilipino upang magpanggap na Filipino.
Natuklasan na ginamit ng suspek ang alyas na Donny Flores Zhou sa kanyang Philippine driver’s license at nakasaad na siya ay isang Pilipino.
Nadiskubre na siya ang namamahala sa operasyon ng isang bodega sa lugar.
Tatlo pang Chinese nationals ang naaresto–sina Li Qican, Ji Jingui at Chen Longlong–dahil sa iba’t-ibang paglabag sa immigration lawas, kabilang ang overstaying, paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili at pagtatrabaho nang walang kaukulang visa o permit.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang operasyon ng BI RIOU-4A at nagpahayag ng pangamba sa tumataas na bilang ng mga banyagang nahuhuli dahil sa pagpapanggap bilang Pilipino.
“Patuloy kaming makikipagtulungan sa mga law enforcement authorities at government intelligence forces upang matukoy at maaresto ang iba pang banyagang maaaring gumagawa ng kaparehong modus,” paliwanag ni Viado.
Dagdag pa ng BI chief na matagal na nilang tinutugis ang mga pekeng Pilipino, ngunit muling lumaki ang interes ng publiko sa mga kasong ito matapos ang pagkakaaresto kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo.
