Chinese

Tsinong kelot hinuli sa NAIA sa pagkakasangkot sa human trafficking, prostitusyon

Jun I Legaspi Oct 1, 2024
95 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagharang sa isang Chinese na lalaki na nasasangkot sa human trafficking at prostitusyon.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, naharang si Du Shuizhong, 51-taong gulang, sa NAIA terminal 1 nitong Setyembre 19 habang papasakay sa isang Air China flight papuntang Chengdu, China.

Hindi pinayagang makaalis si Du at sa halip ay inaresto at dinala sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa, Lungsod ng Taguig.

Ayon kay Viado, ipadedeport si Du sa China alinsunod sa isang deportation order na inilabas ng BI board of commissioners laban sa kanya noong Nobyembre ng nakaraang taon bilang undesirable alien.

Kasama rin ang dayuhan sa blacklist at ipinagbawal na muling makapasok sa bansa.

Ipinapakita ng mga talaan na dati nang kinasuhan si Du ng BI dahil sa pagiging undocumented at hindi kanais-nais matapos matuklasang nagtatrabaho siya para sa isang establisyemento na umano’y sangkot sa prostitusyon at pagsasamantala sa manggagawa.

Mananatili siya sa pasilidad ng BI hanggang sa maipatupad ang kanyang deportation.