Tulfo

Tulfo iminungkahi mataktikang drug war

214 Views

MARIIN TINUTULAN ni Senator-elect Raffy Tulfo ang kontrobersiyal drug war ni dating President Duterte kung saan ay hinimok niya ang papasok na administrasyon ni President elect Ferdinand Bongbong Marcos jr., na gumamit ng mas makataong pamamaraan sa pagbigay solusyon sa nasabing problema.

Ayon sa dating broadcaster, bagamat kapuri puri ang intensyon ni Duterte ay hindi aniya siya aprubado sa istilo o pamamaraan ng ilang awtoridad na binigyan kapangyarihan ng nasabing administrasyon.

“Nung simula, alam natin lahat na maraming nag surrender at sila mismo nagpunta sa mga barangay at sa mga police stations para ipakitang sila ay handa mapasailalim ng gobyerno. Ngunit ang ginawa ng ilan sa mga kapitan ng barangay at mga pulis ay pakakawalan lamang sila at matapos ma identify, later on ay malalaman natin na bumulagta o patay na sila. Sa tingin ko hindi tama dahil kung handa naman mag pa rehabilitasyon, bakit hindi natin sila papirmahin at tulungan para maka pag bagong buhay naman,” ani Tulfo.

Para kay Tulfo, hindi makatuwiran na bayaran ito ng buhay ng tao lalo’t maaari naman silang kumbinsihin ng rehabilitasyon dahil ito aniya ay sakit na bumabalot sa ating lipunan.

Iginiit ni Tulfo na dapat gumamit ang susunod na administrasyon ng mataktikang paraan upang makita ng mga tao na handa silang tulungan ng kanilang gobyerno para masolusyunan ang problema sa illegal na droga na walang patayan.

“So that they can start a new life. At sana hihilingan natin yan sa susunod na Pangulo na bigyan naman sila ng konsiderasyon makasimula muli,” panawagan pa ni Tulfo.

Kung matatandaan ay mismong si Pangulong Duterte ang nanguna sa paglaban sa illegal na droga kung saan ay maraming buhay ay sinasabing nawala dahil sa umanoy panlalaban ng ilan sa mga namatay nuong kasagsagan ng drug war.

Giit ni Tulfo, ang pagpapapirma na handa silang sumailalim sa rehabilitasyon at ang pag sang ayon ng mga ito ay sapat na para tulungan sila ng gobyerno na makasimula muli.

“Kailangan natin tulungan ang mga naliligaw ng landas sa makataong pamamaraan,” diin ni Tulfo.