Calendar
Tulfo isinusulong libreng board, bar exams sa mga kwalipikadong indigents
NGAYONG graduation season, lalong itinutulak ni Senador Erwin Tulfo na gawin ng libre ang professional examinations fees ng mga kwalipikadong indigents, bilang tulong sa pagkamit nila ng lisensya sa propesyong tinahak.
Sa kanyang Senate Bill No. 2035 o “Free Professional Examinations Act,” gagawing exempted ang mga kwalipikadong indigents mula sa pagbabayad ng exam fees.
“Naging normal na para sa mga Pilipino na nakakapagtapos nga sa pag-aaral pero nauudlot na maging lisensyado kasi kulang sa pera. Kaysa magbayad ng licensure exam fees, magtatrabaho na lang, minsan underemployed pa para kumita na agad,” ani Tulfo.
Dagdag pa ng Senador, napipigilan ng mga sandamakmak na professional exam fees di lang ang pag-unlad ng mga Pilipino, kundi ang pag-usbong ng bagong henerasyon ng mga propesyunal sa bansa.
Kasali sa “Free Professional Exams Act” ni Tulfo ang Professional Regulations Commission (PRC) Board Exams, Civil Service Eligibility Exams, at Bar Exams.
Sa nasabing panukala, ang kwalipikadong indigent ay yung idedetermina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang ahensya ang siyang magbibigay ng sertipikasyon para maipresenta sa Professional Regulations Commission, Civil Service Commission, o Supreme Court.
At para masigurong makakamit ang layunin, limitado lamang sa isang beses sa isang taon ang pagkuha ng benepisyong ito.
“Maraming sa mga kabataang estudyante ang sumasideline pa maitawid lang pag-graduate, tulungan naman natin sila na makumpleto yung pangarap nilang maging lisensyado,” pagtatapos ng Senador.

