Sara1

VP Sara may hanggang Hunyo 1 para sagutin ang Articles of Impeachment

30 Views

MAY hanggang Lunes, Hunyo 1, si Vice President Sara Duterte para ihain ang kanyang Answer sa Articles of Impeachment sa Senate Impeachment Court.

Sa media advisory na may petsang Mayo 31, sinabi ni Senate Secretary Atty. Jose I. G. Montales na maaaring ihain ni Duterte ang kanyang Answer mula alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, personal, sa pamamagitan ng abogado, o sa electronic mail.

Sinabi ng Senado na ang Public Relations and Information Bureau ang mangangasiwa sa opisyal na dokumentasyon kung personal o sa pamamagitan ng abogado ihahain ang Answer.

Ang mga larawan at video footage ay maaaring ipamahagi sa mga miyembro ng media sa pamamagitan ng PRIB matapos ang kinakailangang approval ng Senado.

Itinalaga ng Senado ang Quezon at Tolentino Rooms sa ikalawang palapag bilang media holding at coverage areas para sa filing.

Kung magsasalita sa media ang Bise Presidente o ang mga miyembro ng kanyang legal team, ihahatid sila sa mga itinalagang silid para sa anumang briefing o media interaction.

Para sa seguridad at operasyon, lilimitahan sa ikalawang palapag ang access ng media. Ang access sa Office of the Senate Secretary sa ikaanim na palapag, kung saan tatanggapin at ipoproseso ang Answer, ay lilimitahan sa mga awtorisadong opisyal ng Impeachment Court at mga miyembro ng legal team ni Duterte.

Hindi papayagang magsagawa ng interviews ang media personnel sa hallways, corridors, elevators, stairwells at iba pang access points sa loob ng Senate premises.

Kailangang isuot ng lahat ng media personnel ang kanilang agency-issued identification cards sa lahat ng oras. Mahigpit na ipatutupad ang “No ID, No Entry” policy.

Inatasan ang Office of the Sergeant-at-Arms na tiyakin ang pagsunod sa mga alituntunin.

Sinabi ng Senado na layunin ng mga kaayusan na mapanatiling maayos at ligtas ang filing habang pinapayagan ang media na makapag-cover sa kaganapan.

Ang paghahain ng Answer ni Duterte ang susunod na deadline na itinakda ng Senate Impeachment Court kaugnay ng Articles of Impeachment.