Calendar
Tulfo kinuwestyon magkaibang trato ng NBI sa kaso ng guro sa kaso ni VP Sara
KINUWESTIYON ni Senator Raffy Tulfo ang tila magkaibang pagtrato ng National Bureau of Investigation sa kaso ni teacher Ronnel Mas at sa mga pahayag na iniuugnay kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tinanong ni Tulfo kung bakit agad inaresto si Mas matapos mag-post ng P50-milyong pabuya sa sinumang makapapatay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, samantalang case build-up pa rin ang ginagawa ng NBI sa mga pahayag ni Mayor Duterte.
“So isang guro nagbanta sa dating Pangulo, agad-agad inaresto nang walang warrant?” tanong ni Tulfo kay NBI Director Melvin Matibag.
“Itong salita na binitiwan ni Baste o Mayor Baste Duterte against President Marcos, anong difference niyan sa binigay na threat ng teacher na si Ronnel Mas sa dating Pangulong Duterte?” dagdag niya.
Iginiit ni Tulfo na dapat ipaliwanag ng NBI kung pantay ang pagpapatupad nito ng batas kapag ordinaryong mamamayan at mataas na opisyal ang sangkot.
Sinabi ni Matibag na wala pa siya sa NBI nang arestuhin si Mas at hindi siya maaaring magsalita para sa dating pamunuan ng bureau.
Ipinaliwanag niyang naging problema sa kaso ang warrantless arrest kay Mas.
“Ang warrantless arrest kasi kagaya nangyari kay Ronnel Mas, dahil naging warrantless arrest siya, na-dismiss ang kaso. So, ’yan din ang iniingatan namin. Kung kami gagawa ng warrantless arrest, maaaring ma-dismiss ang kaso,” ani Matibag.
Ayon sa NBI chief, masusing case build-up muna ang ginagawa ng bureau upang matiyak na hindi babagsak ang anumang kasong maaaring isampa dahil sa maling proseso.
“Ngayon po, kasama ’yan sa case build-up namin na maaaring magdulot ng pagpa-file ng nararapat na kaso,” sinabi niya.
Hindi sinabi ni Matibag na may sapat nang ebidensya upang arestuhin o kasuhan si Mayor Duterte o sinumang mataas na opisyal.
Nabanggit din niya na ayon sa kanyang pakikipag-usap sa foreign counterparts, maaaring makulong o matanggal agad sa puwesto sa ilang bansa ang isang mataas na opisyal na gumawa ng katulad na pagbabanta.
Hindi niya pinangalanan ang mga bansang tinutukoy o ang batas na kanilang ginagamit.
Ang pagtatanong ni Tulfo ay umikot sa isang malinaw na usapin: kung pantay ba ang pagtrato ng NBI sa isang ordinaryong guro at sa isang mataas na opisyal.
Paliwanag naman ni Matibag, hindi espesyal na pagtrato ang mas maingat na proseso kundi pag-iwas sa pagkakamaling maaaring magpabagsak sa kaso.
