Calendar
Trial ni VP Sara lilimitahan ng 5 oras bawat araw
LILIMITAHAN ng Senado sa limang oras bawat araw ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte simula August upang manatili ito sa timetable habang nagpapatuloy ang paggawa ng batas at pagtalakay sa national budget.
Sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol na gaganapin ang trial tuwing Lunes, Martes at Miyerkules mula 10 a.m. hanggang 3 p.m.
Magsisimula naman sa 4 p.m. ang regular Senate sessions.
Ayon kay Tongol, napagkasunduan ng mga senator-judge ang setup matapos suriin ang oras na nagamit sa unang pitong araw ng trial.
“Based on the time and motion studies that we have conducted for the last seven days, we have been consuming around that same number of hours naman when it comes to the hearings,” ani Tongol.
Sinabi niyang sapat ang limang oras upang tuluy-tuloy ang pagdinig at ito na rin umano ang halos pinakamahabang panahong kayang panatilihin ng mga kalahok at publiko ang kanilang atensyon.
Inaasahan din ng impeachment court na makatutulong ang schedule upang manatili sa planong 90 hanggang 93 araw na timetable ang proceedings.
Sinabi niyang mas kaunting araw ang nagamit ng prosecution kaysa sa unang inilaan para sa Article IV ng impeachment complaint.
Sa 11 araw na nakalaan para sa Article IV, pito o walong araw pa lamang ang nagamit bago ang susunod na hearing kaya may allowance pa ang korte sa calendar nito.
Layunin din ng mas maikling daily schedule na maiwasang umabot hanggang gabi ang trial at maapektuhan ang committee hearings, budget deliberations at pagtalakay sa mga panukalang batas.
Nang tanungin kung mas mabibigyan ng oras ang legislative agenda ng Senado, sumagot si Tongol: “In a way, yes, in a way.”
Bago ganap na ipatupad ang morning schedule, ipagpapatuloy muna ng impeachment court sa July 22, 2 p.m. ang cross-examination kay NBI Director Melvin Matibag.
Susundan ito ng redirect at recross examination matapos ang pagtatanong ng defense.
Si Matibag ang ikatlo at huling witness ng prosecution para sa Article IV, na tumatalakay sa umano’y mga banta ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Pinagbigyan ng korte ang request ng defense na ipagpatuloy ang cross-examination kahit tumutol ang prosecution.
Walang trial sa July 28.
Magre-resume ang proceedings sa July 29, 10 a.m., batay sa schedule na napagkasunduan ng mga senator-judge sa caucus.
Sa August ganap na ipatutupad ang Monday-to-Wednesday morning schedule.
Sinabi ni Tongol na layunin ng setup na balansehin ang tungkulin ng impeachment court na dinggin ang kaso at ang responsibilidad ng Senado na gumawa ng batas, suriin ang national budget at tugunan ang iba pang usapin ng publiko.
Hindi pa inihayag ng korte kung sino ang susunod na witness o anong ebidensya ang tatalakayin matapos ang testimonya ni Matibag.

