Calendar
Tulfo muling giniit karapatan ng mga tripulante ng maglayag sa high-risk seas; 2 Pinoy patay sa Hormuz attack
DALAWANG Filipino seafarers ang nasawi sa pag-atake sa Saudi-flagged oil tanker na M/V SIDR sa Strait of Hormuz, dahilan upang muling igiit ni Sen. Raffy Tulfo ang karapatan ng mga tripulante na tumangging maglayag sa high-risk areas.
Sinabi ni Tulfo nitong Huwebes na naglalayag ang tanker sa Strait of Hormuz noong Lunes ng gabi nang mangyari ang pag-atake.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, sinabi ni Tulfo na nakikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa Department of Migrant Workers para sa mga nakaligtas na Filipino seafarers at sa mga pamilya ng dalawang nasawi.
Aniya, dapat ma-repatriate sa lalong madaling panahon ang mga survivor at mabigyan ng kinakailangang tulong.
Iginiit din ni Tulfo na dapat tiyakin ng DMW na iginagalang ng manning agencies at shipping companies ang “Right to Refuse Sailing” ng mga seafarer na ayaw maglayag sa mga lugar na itinuturing na high risk.
Ayon sa senador, hindi dapat mawala o malagay sa alanganin ang kanilang mga benepisyo at entitlement kapag tumanggi silang bumiyahe sa mga naturang lugar.
Sinabi rin niya na dapat malinaw na maipaliwanag sa mga tripulante ang mga security risk at makuha ang kanilang informed consent bago sila maglayag sa high-risk areas.
Nauna nang tinalakay ng Senate Committee on Migrant Workers ang kaligtasan ng Filipino seafarers kasunod ng mga hijacking sa Red Sea at mga pag-atake sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Tulfo, nangako noon ang DMW na magbibigay ng direktiba sa manning agencies at shipowners para sundin ang security assessment protocols, reporting requirements at iba pang safety measures bago maglayag sa high-risk areas.

