Tulfo2

Tulfo: Pagkain muna bago interbyu sa mga biktima ng delubyo

102 Views

PINASALAMATAN ni Senate Committee Chairman on Social Justice, Welfare, and Rural Development Erwin Tulfo si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian sa utos nitong ibigay na muna ang mga pagkain at tubig sa mga biktima ng lindol doon bago sila isalang sa mga interbyu at paperworks bilang requirement sa pagbibigay ng ayuda.

Sa pagdalaw ni Sen. Tulfo, at iba pang kasamahan sa Senado tulad nina Senador Bong Go, Raffy Tulfo, at Jinggoy Estrada sa Bogo City, Cebu dalawang araw matapos ang lindol, narinig ng Senador sa ilang biktima doon na hindi pa sila nakakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

“Agad kong pinuntahan ang DSWD relief operations head sa lugar para iparating ang problema ng mga tao ”, ayon kay Sen. Tulfo.

Aniya, “Ganun din ang pakiusap sa atin ng mga mayor na kung maari ay bilisan ang pagbibigay ng pagkain at tubig sa mga tao ng DSWD”.

“I saw it kasi personally na nakatambak ang mga food pack ng ahensya sa isang distribution site sa likod ng Bogo City Hall dahil kailangan interbyuhin daw muna ang mga tao”, dagdag pa ni Tulfo.

“Iba kasi ang lindol sa bagyo. Sa bagyo takbo ka lang sa evacuation center mabibigyan ka na ng pagkain habang sa lindol walang pumupunta sa evacuation center sa takot na baka maguho din ito dulot ng aftershocks”, pahabol ng Senador.

Matapos marinig ang hinaing ng mga mayor, agad nagbigay ng direktiba si Gatchalian ng araw ding iyon sa pamamagitan ng kanyang Usec for Disaster na si Dian Cajipe na ibigay na kaagad ang mga food packs at tubig sa mga tao na nasa listahan ng LGU at nakapila para kumuha ng ayuda.