Tulfo

Tulfo: Proteksyon sa pakyawan workers dapat mas matibay

23 Views

ISINUSULONG ni Senador Raffy Tulfo ang mas matibay na proteksyon para sa pakyawan o piece-rate workers, kasabay ng pagsasabing marami sa kanila ang patuloy na nakararanas ng pang-aabuso sa kabila ng umiiral na labor laws.

Isinulong ni Tulfo sa plenaryo nitong Miyerkules ang Senate Bill No. 2115, o ang panukalang Anti-Abuse of Pakyawan Workers Act.

Layunin ng panukala na palakasin ang karapatan ng piece-rate workers at magpataw ng mas mabigat na parusa sa employers na lalabag sa labor rules.

“For too long, these workers have been suffering from abuse despite the existence of our labor laws,” ani Tulfo.

Sa ilalim ng panukala, kailangang kumuha ang employers ng approved piece-rate orders upang matiyak na ang mga manggagawang nagtrabaho nang hindi bababa sa walong oras ay tatanggap ng nararapat na minimum wage.

Inaatasan din ng panukala ang Department of Labor and Employment na magsagawa ng regular inspections upang tiyakin ang pagsunod sa labor standards para sa mga manggagawang binabayaran batay sa output at hindi sa daily o monthly wage.

Ang pakyawan workers ay karaniwang binabayaran batay sa natapos na trabaho, dami ng produksyon o output. Sinabi ni Tulfo na kailangang mailapit ang batas sa kanila upang ang kanilang mga karapatan ay tunay na maipatupad.

“It is time to bring the law closer to them, making the rights of piece-rate workers a tangible reality rather than just a provision on paper,” ani Tulfo.

Binibigyang-pansin ng panukalang batas ang mga manggagawang maaaring hindi sapat na naaabot ng labor enforcement dahil ang kanilang sahod ay nakabatay sa output sa halip na fixed work hours.

Inaasahang dadaan pa sa karagdagang deliberasyon ang panukala habang pinag-aaralan ng mga senador ang safeguards para sa piece-rate workers at ang obligasyon ng employers sa ilalim ng panukalang batas.