Tulfo

Tulfo tinutulak mas mabigat na parusa sa nang-aabuso ng kasambahay

258 Views

MARIING kinondena ni Senador Raffy Tulfo ang matinding pagmamaltrato at pang-aabuso sa kasambahay na si Elvie Vergara ng kanyang amo mula sa Occidental Mindoro na nagsimula ang pangaabuso mula noong taong 2020.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ngayong araw (Aug 22), iminungkahi ni Tulfo ang one-strike policy laban sa mga abusadong employer ng mga domestic worker at mas mataas na criminal liability para sa kanila.

Dagdag niya, ang dinanas ni Vergara ay dapat maging “wake up call” para sa Senado upang irebyu ang Domestic Workers Act at iba pang mga batas na nauukol sa mga domestic worker.

Giit pa niya, hindi ito ang unang pagtataon na may kasambahay na naaabuso. “Sa aking programa, hindi na bago ang mga kwento ng mga kawawang kasambahay natin na inaapi.”

Sa kaso ni Vergara, inakusahan siya ng pagnanakaw ng P12,000 na pera at relo, na nag-udyok umano sa kanyang amo na saktan siya. Dahil dito siya ay tuluyang nabulag.

Sinabi ni Tulfo na ginagamit ng mga masasamang amo ang Qualified Theft bilang panakot sa mga kasambahay nila para wag na magreklamo sa mga abuso na nararanasan nila.

Dahil dito, sinaad ni Tulfo: “I will pass a bill that will remove our kasambahays from the provisions of qualified theft.”

Ipinaliwanag ni Tulfo na sa kasalukuyang batas, ang mga domestic worker ay pinaparusahan ng parusang dalawang degree na mas mataas kaysa sa parusa para sa regular na pagnanakaw. Sinabi niya na ito ay “very discriminatory and anti-poor.”

“Alam niyo ba pag binasa mo itong batas na ito, ang tawag pa sa ating mga kasambahay ay domestic servant. Napaka-makaluma na pag-iisip. Qualified Theft should only punish those given clear trust and confidence with property of the owner,” ani Tulfo.

Samantala, bukod sa amo ni Vergara, sinabi ni Tulfo na dapat ding sampahan ng kasong kriminal si Chairman Jimmy Patal para sa dereliction of duty bukod pa sa serious illegal detention.

Ayon kay Vergara, tumakbo siya sa barangay hall noong 2021 para humingi ng tulong matapos siyang makatakas sa pamilya Ruiz ngunit sa halip na tulungan siya ni Patal, tinawagan niya ang amo nito upang sabihin na nasa barangay siya. Kalaunan ay ibinalik si Vergara sa kanyang amo na iligal na kinulong ito sa kanya matapos ang nasabing insidente.