Tulong at Serbisyo Center para sa mga manggagawa binuksan

Mar Rodriguez Feb 10, 2023
423 Views

Tulong at serbisyo Tulong at serbisyoPINASINAYAHAN ng Overseas Filipino Workers Party List Group sa Kamara de Representantes ang pagbubukas ng OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Malls sa Manila Bay na ang pangunahing layunin ay tulungan at asistihan ang mga OFWs at kanilang pamilya.

Sinabi ni OFW Party List Congressman Marissa “Del Mar” P. Magsino, pinuno rin ng OFW Foundation, na binuksan kamakailan ang kauna-unahang “community and service center” para sa mga OFWs sa gitna ng mga suliraning kinakaharap ng mga Pilipinong manggagawa.

Ipinaliwanag ni Magsino na binuksan ang nasabing “service center” para sa mga OFWs sa pakikipagtulungan ng Ayala Malls upang makapagbigay ng isang tinatawag na “accessible place” para makakuha sila ng iba’t-ibang programa at serbisyo na ibinibigay para sa mga OFWs.

Ayon kay Magsino, bukod sa pagkakaloob ng tulong para sa mga Pilipinong manggagawa. Mag-aalok rin ang OFW Tulong at Serbisyo Center ng libreng training at seminar na pangangasiwaan ng iba’t-ibang pribadong institusyon at ahensiya ng pamahalaan.

“The OFW Tulong at Serbisyo Center aims to provide our OFWs with a quality, welcoming and accessible place where they can avail the various programs and services of the OFW Party List. They can attend trainings and seminars by allied institutions and congregates,” sabi ni Magsino.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing okasyon ay ang ilang “repatriated OFWs” o mga Pilipinong manggagawa na nakabalik na ng Pilipinas. Kasabay ng pagpapahayag ng kanilang taos pusong pasasalamat kay Magsino dahil sa tulong na ipinagkaloob nito para makabalik sila ng Pilipinas.