Rubio

Tulungan ng BOC, WOC lalo pang paiigtingin

142 Views

LALO pa umanong paiigtingin ng Bureau of Customs (BOC) ang pakikipagtulungan nito sa World Customs Organization (WCO) upang maiangat ang ahensya sa global standard.

Kamakailan ay nag-courtesy call ang mga kinatawan ng WCO kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio at kanilang tinalakay ang iba’t ibang programa at mga paraan upang mapadali ang proseso ng pangangalakal sa ilalim ng Mercator Programme.

Kasama sa natalakay ang mga programa ng BOC gaya ng Customs Organizational Development gaya ng National Customs Trade Facilitation Champions, Competency-based Human Resource Management, Integrity Development, Leadership and Management Development, at Gender Inclusivity.

Tinalakay din ang mga Trade Facilitation Agreement (TFA) technical measure partikular ang Time Release Study, Expedited Shipment – Air Cargo Streamlining, Authorized Economic Operator Program, Risk Management, at National Customs Enforcement Network.

Nangako ang WCO na pag-aaralan ang mga ito at magbibigay ng suhestyon para sa epektibong implementasyon ng mga programa.

Dumalo sa pagdinig si Donia Hammami, hepe ng Accelerate Trade Facilitation Programme ng United Kingdom His Majesty’s Revenue and Customs-WCO-United Nations Conference for Trade and Development (HMRC-WCO-UNCTAD).

Naroon din si Stephen Muller, isang eksperto sa Time Release Study (TRS) at Trade Facilitation Agreement (TFA).

Pinuri ni Hammami ang pagtugon ng BOC sa Mercator Programme at kinilala ang liderato ng ahensya sa kanilang mga hakbang na ipinatupad kahit na mayroong pandemya.

Ang Mercator Programme ay kumakatawan sa pagkakaisa ng global Customs community para mapaganda ang kalakalan partikular ang implementasyon ng TFA.

Sa pagtatapos ng pagpupulong ay napagkasunduan na lalo pang pag-iibayuhin ang pagtutulungan ng BOC at WCO para makagawa ng mga kinakailangang pagbabago na pakikinabangan ng ekonomiya ng Pilipinas at mga Pilipino.