Dy

Tungkulin sa mamamayan natutupad namin–Speaker Dy

Mar Rodriguez Nov 28, 2025
215 Views

NANININDIGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na sa kabila ng matinding ligalig na idinulot ng eskandalo sa multi-bilyon pisong flood control project, nananatiling nakatutok ang Kamara de Representantes sa mga tungkulin nito para paglingkuran ang mga Pilipino.

Binigyang-diin ng House Speaker na ang kanilang pananagutan sa taong bayan ay bahagi ng paglilingkod hindi lamang ang pagpapasa ng mga panukalang batas kundi ang pagiging isang responsableng kinatawan sa Kongreso.

Ipinahayag din ni Speaker Dy na nakahandang makipag-tulungan ang Kamara sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para lumabas ang katotohanan matapos humarap ang ilang kongresista sa ICI para magbigay ng kanilang panig makaraang madawit ang kanilang pangalan sa isyu ng flood control scandal.

Sinabi ni Dy na hindi maaapektuhan ng isinasagawang pagsisiyasat ng ICI ang trabaho ng mga mambabatas.

Ayon sa kaniya, ang kapakanan ng sambayanang Pilipino parin ang pangunahing prioridad ng Mababang Kapulungan.

Muling iginiit ni Dy na mula noong umpisa ng kanyang panunungkulan, binigyang diin na niya na igagalang ng Kamara ang mandato ng ICI at makikipag-tulungan sa lahat ng isinasagawang imbestigasyon para lumabas ang katotohanan.

“Naniniwala tayo na ang katotohanan ay hindi dapat ikubli. Mula noong unang araw sa ating panunungkulan bilang Speaker, binigyang diin natin na igagalang ng Kamara ang mandato ng ICI at makikipag-tulungan tayo ng walang alinlangan para lumabas ang katotohanan,” sabi ni Dy.

Kumpiyansa naman si Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na hindi maaapektuhan ang trabaho ng Kamara matapos ipahayag ng Office of the Ombudsman na 10% ng mga kongresista ang iniimbestigahan tungkol sa maanomalyang flood control project.