QCPD

Tunnel robbery naagapan, lagusan papuntang sanglaan natagpuan

23 Views

NABIGO ang tangkang “tunnel robbery” sa isang pawnshop sa Novaliches ng hindi pa nakikilalang mga suspek matapos maagapan ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon sa ulat ng Novaliches Police Station 4, nadiskubre ang kahina-hinalang aktibidad nang makarinig ng ingay mula sa isang manhole sa loob ng establisimyento ang guwardiya noong gabi ng Abril 22.

Agad itong ini-report sa pulisya kinabukasan, Abril 23, na nagresulta sa mabilis na responde ng mga operatiba.

Sa isinagawang inspeksyon, tumambad sa mga pulis ang isang hinukay na lagusan na pinaniniwalaang gagamitin ng mga suspek para makapasok sa pawnshop.

Narekober sa lugar ang iba’t ibang kagamitan gaya ng portable grinder, rechargeable batteries, cutting discs, hydraulic jack, crowbar at screwdrivers na hinihinalang ginamit sa paghuhukay.

Lumabas pa sa imbestigasyon na ang tunnel ay konektado sa kalapit na establisimyento—patunay umano ng planadong operasyon ng grupo.

Walang anumang gamit ang natangay dahil agad na nadiskubre ang tangkang pagnanakaw.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng QCPD upang matukoy at madakip ang mga nasa likod ng insidente.

Pinuri naman ng pulisya ang pagiging alerto ng guwardiya at hinikayat ang mga negosyo na agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad.