Calendar
Mga batang hamog, isa may icepick, nanakot sa mga pasahero ng jeep
HINDI pagnanakaw o panghoholdap ang nakita sa viral video ng mga menor-de-edad na batang lalaki na nanggulo sa pampasaherong jeep noong Sabado sa Las Piñas City kungdi away dahil ayaw pasakayin ng driver ang mga tinaguriang “batang hamog.”
Sa pahayag ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nag-ugat ang kaguluhan nang tumanggi ang driver ng pampasaherong jeep na isakay ang mga batang hamog pasado alas-6:00 ng umaga sa Almanza Uno.
Nakita sa video ang isa sa mga batang hamog na may hawak na ice pick nang habulin ang pampasaherong jeep.
Nang matanggap ng Las Piñas Police Sub-Station 5 ang ulat, nagresponde sa lugar subalit nakatakas na ang mga batang lalaki patungo sa Alabang sa Muntinlupa City.
Dakong alas-8:50 Linggo ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang pulisya, katuwang ang mga barangay tanod, sa Alabang-Zapote Road kung saan nailigtas ang walong kabataan na may edad na 9 hanggang 14-anyos.
Apat sa kanila ay kabilang sa nag-viral na panggugulo sa pampasaherong jeepney.
Inihayag ng mga sangkot sa panggugulo na tumanggi ang tsuper ng pampasaherong jeep na isakay sila kaya’t hinabol nila ito na nakuhanan ng video pati na ang kasama nilang may hawak na ice pick.
Nai-turn over na ng pulisya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Las Piñas City ang mga nailigtas na kabataan para sa wastong pangangalaga.
