Madrona

Turismo inaasahang muling sisigla sa bansa

Mar Rodriguez Nov 15, 2022
253 Views

IPINAHAYAG ng isang kongresista na binanggit ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) na ang turismo ng Pilipinas ang magsisilbing “economic driver” ng bansa. Kaya malaki ang kaniyang paniniwala na muling sisikad at aangat ang turismo ng bansa sa darating na 2023.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na malaki ang posibilidad na babalik na sa normal ang sitwasyon sa susunod na taon (2023). Kabilang na dito ang muling pagsigla ng turismo ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Madrona na ang turismo ang isa sa mga itinuturing na “haligi” ng ating ekonomiya dahil sa pagpasok ng mga dayuhang turista na bumibista sa Pilipinas. Bukod pa dito ang mga lokal na turista na tumatangkilik sa mga local tourist destinations.

“We really hope so na by next year (2023) ay talagang umangat na ang ating tourism industry kaya talagang pinagtutulungan natin ito. Kasi kapag hindi natin natupad yung mandato ni President Marcos during the SONA sa tingin ko ay hindi tayo makaka-angat,” ayon kay Madrona.

Sinabi pa ng mambabatas na ang isa rin sa mga itinuturing na “economic driver” ng bansa ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng mga infrastructure projects na katuwang din ng Department of Tourism (DOT).

Ayon kay Madrona, isang magandang senyales ang pagluluwag ngayon sa dating mahigit na “health protocols”. Sapagkat nagresulta ito sa unti-unting pagdagsa ng mga dayuhang turista sa Pilipinas na isang indikasyon na maaairng magtutuloy-tuloy ito hanggang sa 2023.

“Malaki talaga ang impact ng tourism, kaya natutuwa tayo dahil malaki ng kaluwagan yung binigay sa mga dayuhang turista na pumupunta dito sa ating bansa. Unlike before na they have to undertake three to five days quarantine na masyadong mahigpit ang restrictions, pero ngayon ay talaga gumaganda na ang sitwasyon at maaaring magtuloy-tuloy ito hanggang 2023,” dagdag pa ni Madrona.