Pulis Source: FB

Ulo ni Mr. Pulis pinasabog ni Mrs. Pulis sa Angeles

Bernard Galang Feb 4, 2025
11 Views

ARESTADO ang isang babaeng pulis noong Martes matapos umanong barilin at mapatay ang asawa na kapwa pulis sa Angeles City, Pampanga.

Kinilala ni Angeles City acting police director Col. Joselito Villarosa Jr. ang biktima na si PCMS Jayson Mariano, nakatalaga sa CIDMU, ACPO.

Nakadetalye naman sa RFU-3 ang misis ng pulis na nakapatay sa kanya.

Lumabas sa inisyal na pagsisiyasat na ipaparada ng biktima ang kanyang motorsiklo sa loob ng garahe ng kanyang bahay nang makarinig ng putok ng baril ang mga kapitbahay.

Isang kapitbahay ang nakakita sa biktima na nakahandusay sa garahe at puro dugo ang ulo at isang baril ang nakita sa tabi ng biktima.

Bumalik ang kapitbahay sa kanyang bahay para kunin ang kanyang cellphone at tumawag ng pulis. Pagbalik niya sa labas nakita niya ang suspek na pinulot ang baril.

Sumugod si PSMS Zenaida Maraña at isang kapitbahay ng biktima sa bahay at narekober sa suspek ang baril na ginamit sa pamamaril.

Itinurn-over ang baril sa pulisya at nakumpirma na ang naturang baril ang inisyu na service firearm sa suspek.

Nasa kustodiya na ng Angeles City police ang suspek habang hinihintay ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.