Parak Source: NCRPO PIO

Umupak kay PBBM, PNP sa FB na ex-pulis-vlogger arestadok

26 Views

INARESTO ng mga pulis ang vlogger na dating pulis na bumatikos sa kanyang FB account sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nahuli ng mga intelligence operatives ng Quezon City Police District (QCPD) si Francis Steve Fontillas sa Pacamara Extension sa Brgy. Commonwealth bandang alas-4:00 ng hapon noong Lunes, ayon kay QCPD officer-in-charge Col. Randy Glenn Silvio.

Si Fontillas ay inaresto ng mga kabaro sa bisa ng warrant of arrest ng Quezon City Regional Trial Court Branch 224 para sa kasong inciting to sedition na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.

May inirekomendang piyansa na P36,000 kapalit ng pansamantalang paglaya ng suspek.

Ang kaso kaugnay sa mga pahayag ni Fontillas sa FB habang siya ay nakasuot pa ng uniporme ng Philippine National Police noong Marso 12 at 13, 2025.

Una nang kinondena ni Fontillas ang ginawang pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kinakaharap na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Hinikayat din niya sa kaniyang video ang mga kasamahang pulis na ilabas sa komento ang mga hinaing at huwag magpa-abuso sa mga utos na hindi dapat sundin.

Hayagan niyang binatikos ang pamunuan at mga opisyal ng PNP at ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na labag sa batas ang pagdakip kay Duterte na para sa kaniya ay hindi niya susundin.