DOH

Unang kaso ng BA.2.12 Omicron subvariant sa bansa may 44 close contact

295 Views

NATUKOY ng Department of Health (DOH) ang 44 close contact ng dayuhan na siyang unang kaso ng BA.2.12 Omicron subvariant sa bansa.

Ayon sa DOH, ang babaeng Finnish na nagpositibo sa subvariant ng Omicron ay mayroong siyam na close contact sa Quezon City, lima sa Benguet, at 30 pasahero na kasabay nito sa eruplano papunta ng Maynila.

Ilan umano sa mga close contact ay na-test na at nagnegatibo sa COVID-19.

Ang unang kaso ng BA.2.12 Omicron subvariant sa bansa ay isang 52-anyos na Finnish na dumating sa bansa mula sa Finland noong Abril 2.

Pumunta umano ito sa isang unibersidad sa Quezon City bago pumunta sa Baguio City para magsagawa ng seminar.

Negatibo umano sa COVID-19 ang babae sa test na ginawa sa Finland bago bumiyahe sa Pilipinas. Siya ay fully vaccinated laban sa COVID-19. Nagkaroon ito ng sintomas noong Abril 10.

Ang babae ay naka-uwi na sa Finland noong Abril 21.