OFW Partylist

Unang pagpapatupad ng “deployment ban” sa Kuwait hindi nagtagumpay — Magsino

Mar Rodriguez Jan 25, 2025
29 Views

OFW PartylistBINIGYANG diin ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na hindi nagtagumpay ang unang pagpapatupad ng “deployment ban” sa Kuwait kasunod ng mga insidente ng pang-aabuso at pagma-maltrato ng ilang malupit at mabagsik na Kuwaiti nationals sa kanilang mga empleyadong Overseas Filipino Workers (OFWs).

Bunsod nito, iminumungkahi ni Magsino sa pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) na kailangan pa nilang masusing pag-aralan ang pina-plano nitong “deployment ban” sa naturang bansa matapos sumablay ang unang implementasyon nito noong 2018.

Ipinaliwanag ni Magsino na layunin ng naunang deployment ban na maprotektahan ang libo-libong OFWs o Pinoy Migrant Workers sa Kuwait laban sa nararanasan nilang pagma-maltrato. Subalit pagkatapos aniyang maipatupad ang naturang inisyatiba ay hindi pa rin nahinto ang mga pang-aabuso sa mga OFWs doon.

Inilatag din ni Magsino na dapat pag-aaral ng pamahalaan ang mga lugar sa Kuwait kung saan madalas mangyari ang mga pang-aabuso, insidente ng pagkamatay at pagma-maltrato sa mga OFWs kasabay ng pagbusisi nito sa kanilang mga employers kasama narin ang mga foreign recruitment agency sa Kuwait para matiyak na sila ay magiging ligtas.

“Pag-aralan ang mga area sa Kuwait kung saan madalas reported ang mga pang-aabuso at maglagay ng additional layers of protection para sa pagde-deploy doon ng mga OFWs,” wika ng mambabatas.

Iminumungkahi ng kongresista na kinakailangan muling pag-aralan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kanilang plano para hindi na maulit ang naging karanasan ng unang deployment ban upang tuluyan ng mahinto ang mga pang-aabuso, pagma-maltrato at insidente ng pagkamatay ng mga OFWs sa Kuwait.

“Noong 2018 nagkaroon na ng ban sa Kuwait. Noong 2023 naman ay nagkaroon ng ban para sa mga first-time deployment, Ngunit patuloy pa din ang mga problemang kinakaharap ng mga OFWs. Kaya kailangan muna itong pag-aralan dahil panahon na para makagawa tayo ng solusyon sa problema natin sa Kuwait,” paliwanag ni Magsino.

Sinabi din ni Magsino na ang isa sa mga solusyong nakikita nito ay ang pagkakaroon ng usapan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait government sa pamamagitan ng “diplomatic channels” upang pag-usapan kung papaano reresolbahin ng dalawang pamahalaan ang problema ng deployment ng mga OFWs sa naturang bansa.

To God be the Glory