Japanese

Undesirable alien na Hapon natiklo ng BI

Jun I Legaspi May 2, 2025
76 Views

INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Japanese national na dapat ng i-deport dahil sa pagiging “undesirable alien.”

Kinilala ni BI-NAIA Terminal 3 supervisor Dennis Javier ang Japanese na si Makoto Shinoda, 64.

Naaresto si Shinoda noong Abril 28 habang tinatangkang sumakay sa Etihad Airways papuntang Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ayon kay Javier, nabigyang-alerto ang immigration officer matapos makita ang pangalan ni Shinoda sa derogatory record system ng ahensya.

“Kaagad siyang isinailalim sa secondary inspection, kung saan nakumpirma ng aming mga supervisor na siya nga ang nasa watchlist,” pahayag ni Javier.

Itinurn-over sa Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng BI ang Japanese at inilipat sa detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Mananatili siya roon habang isinasagawa ang mga proseso ng deportation.

Pinuri ni Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkilos ng mga immigration officer at binigyang-diin ang kahalagahan ng ganitong alerto sa pagbabantay ng seguridad ng bansa.

Ang kaso ni Shinoda nag-ugat sa reklamo ng dalawang kapwa niya Hapones na inakusahan siyang nangloko sa isang huwad na real estate project.

Ayon sa mga biktima, pinapaniwala sila ni Shinoda na mamumuhunan sa isang construction project sa Molino Blvd., Bacoor City, Cavite at naloko ng $1.023 milyon.

Sinabi ng mga biktima na wala talagang intensyon si Shinoda na tapusin ang proyekto.