Espina

UniTeam mainit na sinalubong sa Biliran

218 Views

NAGING mainit ang pagtanggap ng libu-libong Biliranon sa UniTeam na pinamumunuan nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at vice presidential aspirant Sara Duterte.

“Bigyan ng napakainit na pagsalubong at pagtanggap ang ating pinakamamahal at maabot na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, walang iba kung hindi si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr,” sabi ni Biliran Gov. Roger Espina na siyang nagpakilala kay Marcos sa campaign rally noong Biyernes sa bayan ng Naval.

Si Marcos ay sinamahan ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez at Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na siyang kumatawan kay Duterte.

Hinamon ni Marcos ang mga botante ng Biliran na magkaisa at patuloy na suportahan ang mga kandidato ng UniTeam hanggang sa manalo ang mga ito.

Nangako si Marcos na gagawin nito at ng katandem na si Duterte ang lahat upang mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.

“Sinimulan natin ang pagkilos ng pagkakaisa dito sa Biliran, huwag po natin titigilan, huwag po natin iiwan hanggang tayo ay makapagsabi na dumating na ang araw na ipinagkaisa natin ang sambayanang Pilipino,” sabi ni Marcos na nagpasalamat din kay Espina at sa mga taga-Biliranon.

Sinabi naman ni dela Rosa na tutulungan ni Duterte si Marcos sa pagpapatakbo ng gobyerno upang maabot ang pag-unlad ng bansa.

“Mayor Inday Sara will be a partner of President Marcos in fulfilling his duties and responsibilities. She will be a very supportive vice president,” sabi ni dela Rosa.

Binigyan-diin ni dela Rosa ang kahalagahan na suportado ng bise presidente ang pangulo upang magawa nito ang mga kailangang gawin para sa kapakanan ng bansa.