DOJ2

UPAC todo-suporta sa DOJ position sa balanced housing program

Jun I Legaspi Mar 8, 2026
115 Views

IPINAHAYAG ng Urban Poor Action Committee (UPAC) ang kanilang suporta sa opinyon ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa balanced housing compliance.

Ayon sa UPAC, malaking hakbang ang posisyon ng DOJ para sa pagsusulong ng mas makataong programang pabahay sa mga kapos-palad.

Sa liham kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, kinilala ng UPAC ang DOJ Opinion No. 4 Series of 2026 na tumutukoy sa mga legal na kakulangan sa isang kautusan ng DHSUD noong 2021 na may kaugnayan sa incentivized balanced housing compliance.

Pirmado nina UPAC Executive Director Alicia Murphy, KOSMAT President Jeorgie Tonelete, Community Organizers Multiversity Executive Director Lucila Malibiran, at ULAP Confederation President Madeline Suarez ang sulat.

Pinagtitibay ng DOJ opinion ang layunin ng Republic Act 7279 na amyendahan ng RA 10884 para matiyak ang sapat na pondo para sa mga programang pabahay na nakalaan sa mga mahihirap at walang tirahan.

Binigyang-diin nila na ang pagpapanatili ng nakalaang pondo para sa socialized housing na itinakda ng batas ay magreresulta sa mas maraming pabahay at pagpapatupad ng people-centric enhanced community mortgage program (ECMP) para sa mga nasa laylayan.

“Lubos naming sinusuportahan ang pagpapanatili ng nakalaang 15% o 5% ng kabuuang halaga ng proyekto, dahil naniniwala kami na ito ay magbubunga ng mas maraming yunit ng socialized housing,” pahayag ng UPAC.

Sa DOJ opinion na may petsang 03 Pebrero 2026, binanggit ang mga legal na kakulangan sa Department Order (DO) No. 2021-004 ng DHSUD, partikular sa mga probisyong nagbawas sa itinakdang porsyento ng partisipasyon ng mga developer sa Balanced Housing Development Program (BHDP).

Ayon sa UPAC, ang pagbabalik sa buong alokasyon ng compliance ay makatutulong sa paglutas ng matagal nang suliranin sa pabahay ng mga maralita.

“Matagal nang nagdurusa ang sektor ng maralita, lalo na ang mga komunidad sa kalunsuran, dahil sa hindi gumagalaw na alokasyon ng pondo para sa pagpapaunlad ng mga proyekto,” ayon sa UPAC.