Calendar
Kamara naka-monitor, titiyakin na OFWs sa Middle East ligtas
NANAWAGAN nitong Linggo si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte ng isang congressional briefing tungkol sa lumalalang sigalot sa Middle East.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang masusing bantayan ang sitwasyon at tiyakin ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa rehiyon.
Ayon kay Marcos, hiniling ng liderato ng Kamara sa ilalim ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa House Committees on Foreign Affairs at Overseas Workers Affairs na magsagawa ng joint briefing sa Miyerkules, Marso 11, 2026.
Layunin nitong makakuha ng pinakabagong ulat tungkol sa sitwasyon at sa kahandaan ng pamahalaan na tumulong sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga apektadong bansa.
“Dahil marami sa ating mga kababayan ang nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa Middle East, mahalagang nauuna tayo sa mga pangyayari at natitiyak na may mga mekanismo ng suporta para sa kanila,” ani Marcos.
“Gusto ng Kamara na makatanggap ng kumpletong ulat tungkol sa aktuwal na sitwasyon sa lugar at sa kahandaan ng ating mga ahensya na tumulong sa ating mga kababayan kung kakailanganin ang interbensyon ng pamahalaan,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Marcos na iimbitahan ang mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at iba pang kaugnay na ahensya upang magbigay ng update tungkol sa bilang ng mga Pilipino sa mga apektadong lugar, kasalukuyang kalagayan ng seguridad, at mga contingency plan para sa tulong, posibleng evacuation, o repatriation kung kinakailangan.
“Malaki ang papel ng ating mga OFW sa pagsuporta sa milyun-milyong pamilyang Pilipino at sa katatagan ng ekonomiya ng bansa,” ani Marcos. “Sa panahong may kawalan ng katiyakan sa rehiyon, mahalagang handang-handa ang pamahalaan upang pangalagaan ang kanilang kapakanan at magbigay ng tulong kung kinakailangan.”

