Castro PCO Undersecretary Claire Castro, Navotas Rep. Toby Tiangco

Usec Claire binira Tiangco dahil sa mga alegasyong fake news

224 Views

Patunayan mo o tumigil ka sa pagpapakalat ng fake news.

ITO ang hamon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro kay Navotas Rep. Toby Tiangco kasunod ng paulit-ulit na alegasyon ng mambabatas na may inaalok na pondo sa mga miyembro ng Kamara kapalit ng pag-impeach kay Bise Presidente Sara Duterte.

“Katulad ng sinabi ng ating Pangulo sa kanyang mensahe, iwasan po natin magbigay ng fake news at kasama na po kayo doon Congressman Toby Tiangco,” ani Castro.

“Si Congressman Toby Tiangco, ang daming sinasabi, pero wala tayong nakikitang anumang ebidensiya,” dagdag pa niya sa isang press briefing. “Hangga’t hindi ito napapatunayan, masasabi nating maaaring nanlilinlang si Congressman Tiangco.”

“Kaya ang hamon natin mismo kay Congressman Toby Tiangco, para mapatunayan niya ito, hindi ba dapat—kahit sino pa ang Pangulo o Bise Presidente—magtrabaho siya para mapanagot ang mga diumano’y kurap, lalo na doon sa mga ghost projects noong panahon ng kanyang ama,” aniya.

Dagdag pa niya, dapat ay madali para kay Tiangco na beripikahin ang kanyang mga paratang sa mga ahensya o opisyal na sinasabi niyang inalok ng pondo ang mga miyembro ng House of Representatives upang bumoto pabor sa impeachment ni VP Duterte.

Hinimok din ni Castro si Tiangco na tigilan ang paninira sa mga institusyon ng gobyerno, lalo na sa Kamara na kanyang kinabibilangan.

“Hindi niya dapat sinisiraan ang mga ito, lalo na kung wala siyang ebidensiya; kawawa ang mga Pilipino sa mga taong puro fake news ang ipinapakalat,” aniya.

Pinasinungalingan din ni Castro ang alegasyon ng mambabatas na “nakatuon” o “fixated” ang administrasyong Marcos kay Bise Presidente Sara Duterte, na naging kritiko ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at sinabing maraming pulitiko ang iniimbestigahan ng gobyerno kaugnay ng mga umano’y anomalya at korapsyon.

Nauna rito, itinanggi rin ng mga lider ng Kamara, sa pangunguna ni Batangas Rep. Jinky Luistro, chair ng House Committee on Justice, ang paratang ni Tiangco tungkol sa umano’y panunuhol kaugnay ng impeachment.