Valeriano

Valeriano hinamon ang MTRCB na paigtingin kampanya vs kahalayan sa TV

Mar Rodriguez Sep 12, 2023
154 Views

HINAMON ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang pamunuan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na paigtingin at pag-ibayuhin ang kanilang kampanya laban sa t kahalayan o indecency sa telebisyon.

Iginiit ni Valeriano, chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, na ang naging desisyon kamakailan ng MTRCB patungkol sa pagpapataw nito ng 12 araw na suspensiyon laban sa “It’s Show Time” ay maituturing na isang halimbawa para sa iba pang TV program.

Binigyang diin ni Valeriano na ipinapakita lamang ng aksiyon ng MTRCB na kinakailangang magpakatino ng lahat ng TV host sa kani-kanilang mga programa sapagkat maraming kabataan partikular na ang mga menor de edad ang naonood sa kanilang TV program.

Sinabi pa ni Valeriano na napakahalagang isa-alang-alang aniya ng mga TV host ang kapakanan ng kanilang mga manonood kaya dapat lamang na maging maingat sila sa kanilang magiging kilos at asal sa harap ng camera.

Sinegundahan din ni Valeriano ang naging pahayag ng kaniyang kapwa kongresista na pagkatapos ng ipinataw na 12 araw na suspensiyon laban kina Vice-Ganda at kasamahan nitong TV host na si Ion Perez dapat maging maingat na ang dalawang host at maghinay hinay sa kanilang kalaswaan.

Ayon sa kongresista, dapat sundin ng MTRCB ang kanilang mandato na pangangalagaan nila ang kapakanan ng kanilang manonood laban sa kalaswaan. Kabilang na dito ang pangangalaga sa interes ng mga kabataan at menor de edad laban din sa laganap na kahalayan sa telebisyon.