Calendar
Valeriano hiniling sa Kamara na suportahan 3 panukala ukol sa espionage
𝗛𝗜𝗡𝗜𝗛𝗜𝗟𝗜𝗡𝗚 ni Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano sa liderato ng Kamara de Representantes ang pagsuporta nito sa tatlong panukalang batas kaugnay sa “espionage” o paniniktik.
Sinabi ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na hindi na dapat pang magpatumpik-tumpik at agad ng talakayin sa mga Committee hearing ang House Bill Nos. 2793, 4886 at 6183.
Bagama’t wala pa sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, ipinahayag ni Valeriano na dapat ay mailagay na sa kalendaryo ng Mababang Kapulungan ang pagtalakay sa tatlong panukalang batas sa susunod na taon (2026).
Aminado ang kongresista na imposibleng matalakay ngayong taon ang tatlong panukala dahil ang top priority ng Kamara ay ang pagtalakay sa 2026 national budget na tatapusing talakayin bago matapos ang 2025.
“The soonest possible time the espionage bills could be tabled for hearings is in January next year because the 2026 national budget is the top priority until December,” wika ng mambabatas.
Ayon kay Valeriano, interesado siyang maipasa at maisabatas ang tatlong panukalang batas (espionage bill) sapagkat nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan o mayroon oversight function ang kaniyang Komite sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies.
Gayunman, tiniyak nito na sakaling umabot sa Plenaryo ang espionage bill ay susuportahan nito ang panukala upang tuluyan ng maisa-batas.
“When the espionage bill reaches Plenary debates and approval on second and third reading. I will be among its supportive sponsors,” dagdag pa ni Valeriano.

