Valeriano

Valeriano iminungkahi na dapat sumailalim sa GMRC mga empleyadong Marites

Mar Rodriguez Jul 1, 2023
139 Views

DAPAT sumailalim sa Good Manner and Right Conduct (GMRC) ang mga empleyado na napaka-hilig mag-Maritess o hindi mapigilan ang kanilang “makati at matabil na dila” na magpakalat ng mga chismis at intriga sa kanilang kapwa empleyado.

Ito ang iminumungkahi ng isang Manila Congressman na kailangang pasimulan at mahigpit na ipatupad ng bawat management ng isang tanggapan, pribado man o pampubliko ang GMRC sa kanilang opisina para masawata ang bullying laban sa isang empleyado na nakakarans nito.

Binigyang diin ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kailangang turuan ng magandang asal ang bawat empleyado partikular na yung mga “makakati ang dila” na mahilig maghasik ng intriga sa loob ng kanilang opisina.

Ipinaliwanag ni Congressman Valeriano na hindi lamang sa loob ng paaaralan itinuturo ang GMRC. Bagkos, dapat din itong matutunan sa loob ng isang opisina, pribado man o pampubliko. Para maturuan ang bawat empleyado ng tamang asal at ang pagkakalat ng chismis ay hindi magandang gawain.

Sinabi ni Valeriano na dapat maging isang “management decision” ang pagpapatupad ng GMRC sa loob ng isang pribado at pampublikong opisina. Matapos muling mabuhay at maungkat ang usapin ng “office bullying” bagama’t hindi ito masyado napapansin dahil wala naman aniyang nagre-reklamo.

Gayunman, iginiit ng mambabatas na dapat seryosohin ng bawat tanggapan o opisina ang nasabing usapin sapagkat lubhang naa-apektuhan nito ang mental health ng kanilang empleyado na nakakaranas ng pangbu-bully na nakaka-apakto rin sa kanilang trabaho at pang-psychological.

“Madalas nasa leadership iyan eh. Corporate executives or office leaders should set the example. Hindi sila dapat ang pasimuno ng politika at intriga sa loob ng kanilang opisina. Bahagi ng leadership skills nila ang itaas ang antas ng GMRC sa bawat opisina na sakop nila,” Ayon kay Valeriano.
Nauna rito, ipinahayag ni Valeriano na hindi pa rin makaliligtas sa parusa ang mga empleyadong “makakati ang dila” o mas kilala bilang mga “chismoso at chismosa” na napaka-hilig mag-maritess ng mga maling kuwento at fake news laban sa kapwa nila empleyado sa loob ng isang opisina.

Ayon sa kongresista, bagama’t hindi pa tuluyang naisasa-batas ang isinulong na panukala sa Kongreso laban sa “office bullying” subalit mayroon na umanong umiiral na batas laban dito. Sapagkat maaari parin silang mapanagot alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 4363.

Sinabi nito na nakapaloob sa Republic Act No. 4363 ang pagpapataw ng parusa laban sa sinomang indibiduwal na nagkakalat ng tinatawag na “false accusation” o maling paratang, pagkakalat ng chismis o gossip sa pamamaraan ng oral defamation o paninirang puri laban sa isang tao.