Calendar

Kumanta ukol sa nawawalang sabungero protektado ng PNP
TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na bibigyan ng seguridad ang suspek na nagsabing ang mga labi ng 34 nawawalang “sabungero” ay itinapon sa Lawa ng Taal sa Batangas.
“Ang PNP ay handa para magbigay ng police assistance, kabilang ang pagbibigay ng seguridad sa lumutang na bagong testigo,” pahayag ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo sa panayam ng mga mamamahayag sa Camp Crame nitong Huwebes.
Ang suspek, isa sa anim na security guard ng Manila Arena, ay umamin sa panayam ng GMA News noong Miyerkules ng gabi na patay na umano ang mga sabungero at sinakal pa gamit ang alambre bago itinapon sa lawa.
Ayon kay Fajardo, ang suspek na tinawag lamang sa alyas na “Totoy” ay kailangang magsumite ng affidavit bilang bahagi ng legal na proseso para sa pagpapatibay ng kaso.
“Ang ating Chief PNP ay handang personal na pumunta sa lugar upang tukuyin kung saan eksaktong itinapon ang mga nawawala. Kung sa Lawa ng Taal ito, magiging hamon ito dahil sa lalim ng lawa at kakailanganin pa ng mga divers. Dadaan ito sa tamang proseso,” dagdag ni Fajardo.
Hinimok rin ng PNP ang TV network at ang suspek na makipag-ugnayan sa pulisya upang mapabilis ang imbestigasyon, at tiniyak na handa silang magbigay ng proteksyon.
“Sana pagtiwalaan nila ang kanilang pambansang pulisya dahil kami naman po ang nagsampa ng mga kasong ito,” ani Fajardo, at iginiit na makikipagtulungan din sila sa Department of Justice. Philippine News Agency