Valeriano

Valeriano kinalampag ang NBI, DTI at DICT para paigtingin ang kampanya laban sa mga abusadong lending companies

Mar Rodriguez Jul 11, 2023
164 Views

KINAKALAMPAG ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Information and Communication Technology (DICT) upang maging puspusan at maigting ang kanilang pagtugis laban sa mga abusado at mapagsamantalang “loan shark” lending companies.

Binigyang diin ni Valeriano na hindi na dapat palampasin ng pamahalaan ang ginagawang pagmamalabis at pang-aabuso ng mga lending companies sa kanilang mga kliyente na walang pakundangan na ibinilad nila sa kahihiyan sa oras na pumaltos ang mga ito sa pagbabayad ng kanilang utang o atraso sa pamamagitan ng pamamahiya sa kanila sa social media.

Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano na hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang NBI, DTI at DICT sa pagtugis sa mga abusadong lone shark lending companies sa pamamagitan ng pagbubuo ng isang task force na tututok sa kasong ito para papanagutin sa batas ang mga taong nasa likod nito.

Ikinalungkot ni Valeriano na dahil maraming Pilipino ang kasalukuyang naghihikahos. Kung kaya’t marami din sa kanila ang napipilitang dumulog o lumapit sa mga lending companies sa kabila ng batid nila ang peligrong posibleng mangyari sa oras na makipag-transaksiyon sila sa nasabing kompanya ng pautang.

Ayon kay Valeriano, makikita rin sa datos na marami sa mga Pilipino ang hindi nakakabayad habang ang iba naman ay sadya ng tinatakasan ang kanilang obligasyon. Gayunman, may mga kliyente naman ang sinisikap na makabayad ng kanilang utang subalit pilit silang hinaharass o ginigipit ng lending company sa pamamagitan ng mga masasakit na salita, pagmumura, panglilibak at iba pang pang-iinsulto.

Dahil dito, sinabi ng kongresista na walang karapatan ang mga nasabing lending companies na pagsalitaan ng hindi maganda o tapakan ang pagkatao ng kanilang kliyente nang dahil lamang hindi nila agad mabayaran ang kanilang pagkakautang. Kung saan, ang iba sa kanila ay nakakaranas ng pamamahiya sa social media na nagiging trauma para sa mga taong nakakaranas ng tinatawag na public shaming.

“Walang karapatan ang sinoman na abusuhin o ipahiya ang taong hindi agad makabayad sa kanilang utang. Kadalasan sila ay pinapahiya gamit ang teknolohiya kung saan kinakalat sa mga kakilala o ka-opisina ang kanilang pagkakautang. These loan sharks steal their contact persons purposely for public shaming once the borrowera fail to settle on time,” Sabi ni Valeriano.

Ipinaliwanag pa ni Valeriano na halos nilulumpo at sinasaid ng mga abusadong loan shark lending company ang kanilang mga kliyente sapagkat halos umaabot ng 50% interest rate ang sinisingil ng mga kompanyang ito sa mga taong umutang sa kanila. Kung saan, dapat ay 6% lamang ang legal interest rate na dapat nilang singilin batay sa naging desisyon ng Supreme Court (SC).

“Under our laws and Supreme Court decisions. The legal interest rate is only 6% per annum for personal loans. Article 2209 of the Civil Code declared that the legal interest in obligations to pay a sum of money is 6% per annum when the debtors incurs in delay,” sabi pa ni Valeriano.