Valeriano

Valeriano: May angas mga Pinoy vs China

Mar Rodriguez Mar 6, 2024
150 Views

BINIGYANG DIIN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na ang paglalagay ng permanenteng estraktura sa Kalayaan at Pag-asa Group of Island sa West Philippine Sea (WPS) ay tahasang pagpapakita na may angas ang mga Pilipino laban sa pangbu-bully ng China.

Ayon kay Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, panahon na para ipakita ng mga Pilipino na mayroon itong “yagbols” o matibay na paninindigan laban sa walang humpay na panggigipit na ginagawa ng China laban sa mga Pilipino kaugnay sa WPS.

Sinabi ni Valeriano na ang paglalagay ng pangunahing estraktrura sa Kalayaan at Pag-asa Group of Island ay hindi lamang para mapangalagaan ng Pilipinas ang teritoryo nito sa WPS. Bagkos, para maipakita narin sa China na hindi basta-basta magpapagapi ang mga Pilipino sa isang dayuhan.

Kinakatigan din ni Valeriano ang posisyon ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na nagsabing kinakailangang maglagay ng permanenteng estraktura sa mga teritoryo ng Pilipinas para makapagsagawa ng pagpa-patrolya sa mga lugar na sakop ng WPS at exclusive economic zone (EEZ).

Ikinatuwiran pa ng kongresista na kung tutuusin ay matagal na sana aniyang ginawa ng pamahalaan ang paglalagay ng estraktura sa WPS para igiit ang karapatan nito sa mga teritoryong pag-aari ng Pilipinas at hindi na hinayaan pang manghimasok o magkaroon ng “incursion” ang China.

“Matagal na natin kailangan itong paglalagay ng permanent structure sa WPS. Sana nuon pa natin ginawa o sana dati pa tayo nagtayo. Pero sa palagay ko ay mayroon ng challenge ngayon ang paglalagay nito, sapagkat unti-unti na naman pumapasok ang China sa ating teritoryo,” sabi ni Valeriano.

Nakikiisa din ang mambabatas sa mga kasamahan nito sa Kongreso sa pagpapahayag ng kanilang paninindigan laban sa pangbu-bully China na nagsabing panahon para ipakita sa China na hindi basta-basta nagpapasindak ang mga Pilipino.