Valeriano

Valeriano nagpahayag ng buong suporta, tiwala kay Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Oct 18, 2023
505 Views

Martin1

NAGPAHAYAG ng buong suporta at pagtitiwala ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa liderato ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez sa gitna ng mga batikos at intriga na ikinukulapol laban sa Kamara de Representantes patungkol sa kontrobersiyal na “confidential funds”.

Sinabi ni Valeriano na bilang kasapi ng majority bloc sa Mababang Kapulungan, buong-buo ang kaniyang suporta kay Speaker Romualdez sa ilalim ng 19th Congress.

Nauna rito, kinatigan ni Valeriano ang naging pagkilos ng mga “political leaders” sa Kongreso para sagutin at pasinungalingan ang mga binitiwang paratang ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa Kamara at mismong kay Speaker Romualdez patungkol sa confidential funds.

Naglabas ng statement si Valeriano para ipahayag at patotohanan na bilang kongresista ng ikalawang Distrito ng Maynila Nasasaksihan nito ang isang maayos na diskusyon o deliberasyon sa loob ng plenaryo ng Kamara de Representantes kaugnay sa mga nakasalang na panukalang batas.

Binigyang diin ng mambabatas na masusing pinag-uusapan at tinatalakay sa loob ng plenaryo ang isang panukalang batas bago ito tuluyang maipasa o maisabatas. Kung saan, ang lahat ng mga kongresista ay malayang lumahok sa talakayan at binibigyan ng karapatang ipahayag ang kanilang saloobin.

“As a member of the majority and chairperson of the Committee on Metro Manila Development. I have been fortunate to witness the deliberative culture of this august chamber, wherein legislative measures and issues involving national interest are debated and discussed and the voice of each representative from all political spectrum are not just heard but considered,” sabi ni Valeriano.

Sinabi din ni Valeriano na buong-buo din ang kaniyang paniniwala na ang pagkakapasa ng Kamara de Representantes sa 2024 proposed national budget ay dumaan sa isang masusing deliberasyon mula sa mga Komite hanggang sa ito’y umabot sa plenary deliberations.

“Buo ang aking paniniwala na ang mga naging disposisyon ng ating Kongreso. Lalo na ukol sa usapin ng 2024 National Appropriations Bill ay bunga ng mga deliberations mula sa mga Komite hanggang sa plenaryo. Buo din ang suporta sa mga naging desisyon ng pamumuan ni Speaker Romualdez tungkol dito,” ayon pa kay Valeriano.