Valeriano

Valeriano: Pagkakasibak kay GMA bilang Deputy Speaker makabubuti para sa Kamara

Mar Rodriguez Nov 15, 2023
171 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Congressman. Rolando “CRV” M. Valeriano na makakabuti para sa liderato ng Kamara de Representantes ang pagkakatanggal ng dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga 2nd Dist. Cong. Gloria Macapagal-Arroyo bilang House Deputy Speaker.

Dinepensahan ni Valeriano si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa naging pagkilos ng Kamara de Representantes matapos ang pagkakasibak kay Macapagal-Arroyo bilang House Deputy Speaker. Kung saan, nalalaman umano ng House leadership ang kanilang ginagawa.

Ipinahayag ni Valeriano na “walang personalan at trabaho” lamang ang naging hakbang ng Kongreso sa pagkakasibak ni Macapagal-Arroyo bilang Deputy Speaker. Sapagkat nais lamang matiyak ng House Leadership ang suporta ng bawat kongresista para maipagtanggol ang Kongreso.

Sinabi ni Valeriano na kailangang maunawaan ni Macapagal-Arroyo na ang naging aksiyon ng liderato ng Kamara de Representantes ay naglalayong maipagtanggol ang institusyon na sinisikap gibain ng ilang indibiduwal sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga paninirang puri.

Ayon sa kongresista, napakahalaga rin aniya na mabigyan ng pagkakataon ang House leadership na maipakita ang sinseridad nito na maipagtanggol ang Mababang Kapulungan laban sa mga paninira ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na makakasira din sa imahe ng bawat mambabatas.

“Our House leadership knows what it is doing. Let us give it that chance to prove itself in the service of our country. Ang pagpapalit-palit naman ng mga tauhan sa mataas na posisyon sa Kamara ay hindi na bago to achieve its new goals or reach its new direction hayaan natin si Speaker Martin Romualdez ang magpasya ng gagawin. Tutal, baka ito ay makakabuti para sa liderato ng Kamara,” ayon kay Valeriano.

Binigyang diin pa ni Valeriano na maaaring makakabuti para sa liderato ng Kongreso ang pagkakatanggal kay Macapagal-Arroyo matapos nitong ipahayag na “Mabuti naman ang hangarin ni Speaker Romualdez para sa Kamara at sa ating bansa”.