Valeriano

Valeriano: Pagpatay kay Jemboy Baltazar dapat bigyan ng hustisya

Mar Rodriguez Aug 22, 2023
200 Views

SINANG-AYUNAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang paghahanap ng hustisya patungkol sa karumal-dumal at kalunos-lunos na pagpatay sa 17-anyos na binatilyong si Jerhode Jemboy Baltazar.

Kasabay nito, sinusuportahan din ni Valeriano ang pagpapatawag ng imbestigasyon sa Kamara de Representantes hinggil sa kaso ni Jemboy Baltazar na walang habas na pinaslang ng 19 miyembro ng Navotas Police noong nakalipas na August 2, 2023 na pinaniniwalang biktima ng “mistaken identity”.

Sinabi ni Valeriano na bagama’t ilang linggo na ang nakakalipas mula ng maganap ang karumal-dumal na pagpatay kay Jemboy Baltazar. Subalit hindi aniya ito nangangahulugan na kakalimutan na lamang ang kaso ng binatilyo nang hindi man lamang napapanagot ang 19 na salarin sa katauhan ng mga pulis.

Ikinagagalak din ng kongresista ang pagkaka-suspinde sa 19 na tauhan ng Navotas Police para sumailalim sa imbestigasyon. Gayunman, iginiit nito na ang lahat ng sangkot na pulis ay lumabag sa “protocol” hinggil sa pagsasagawa ng police operation kabilang na ang tamang paggamit ng kanilang service firearms.

Binigyang diin ni Valeriano na ang 19 na miyembro ng Navotas Police ay mistulang nangati ang kanilang mga daliri sa gatilyo ng kanilang mga baril. Sapagkat pinaulanan na agad nila ng bala si Jemboy Baltazar nang hindi muna nila inaalam kung siya ba talaga ang suspek na tinutugis nila.

Kabilang din sa mga violations na ginawa ng 19 na pulis, ayon pa kay Valeriano ay ang hindi nila pagsusunot ng body camera sa oras ng kanilang operasyon habang tinutugis nila ang sinasabi nilang suspek. Kung saan, ang inosenteng si Jemboy Baltazar ang kanilang pinagdiskitahan.

“I am one with the family in seeking justice for him. I am glad that all the 19 policemen were suspended for investigation as allegedly they violated all the main protocols in the operation. Such as to use weapons only when so necessary or when the operatives’ lives are in danger. They did not wear body cameras in pursuit of the subject which later turned out to be the innocent teenager,” sabi ni Valeriano.

Kasabay nito, inihain ng Makabayan bloc sa Kongreso ang House Resolution No. 1178 para hilingin sa House Committee on Human Rights at House Committee on Welfare of Children na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagpatay kay Jemboy Baltazar na kahalintulad sa kaso ni Kian delos Santos na napatay naman ng mga miyembro ng Caloocan City police noong 2017.