Valeriano

Valeriano sang-ayon na maglaan ng pondo para sa rehab ng mga jeep

Mar Rodriguez Dec 19, 2023
190 Views

SINASANG-AYUNAN ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Rolando “CRV” M. Valeriano ang panukalang paglalaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga “traditional jeepneys” sa halip na isulong ang phase-out ng mga nasabing pampublikong sasakyan.

Ipinaliwanag ni Valeriano na dapat masusing pag-aralan ng gobyerno ang paglalaan ng pondo para sa gagawing rehabilitation ng mga jeepneys sa halip na isulong ang tuluyang pagbubuwag sa mga ito.

Sinabi ni Valeriano na siguradong maraming jeepney drivers ang mawawalan ng hanap-buhay sakaling tuluyan ng ipatupad ang “phase-out” sa mga traditional jeepneys maliban na lamang aniya kung mayroong ilalatag na “options” o alternatibo ang gobyerno para sa mga drivers.

Naniniwala din si Valeriano na hindi mare-resolba ang problema patungkol sa issue kung patuloy na ipipilit ang Public Utility Vehicle (PUV) modernization sapagkat paulit-ulit lamang ang magiging tugon ng mga apektadong drivers sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga jeepney strike.

Dahil dito, ipinahayag pa ng kongresista na napakahalagang magkaroon ng masusing pag-aaral ang pamahalaan upang makamit ang tinatawag na “win-win solution” sa pagitan ng gobyerno at “jeepney drivers”.

Ayon kay Valeriano, matatawag din na “cost effective” ang rehabilitation ng nasa tinatayang 63,000 PUVs sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas. Kumpara sa isinusulong na PUV modernization program.

Nananawagan din ang Chairman ng Committee on Metro Manila Development kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na pakinggan ang sentimyento at hinanaing ng mga jeepney driver para magkaroon o mahanap ng epektibong solusyon sa kanilang problema.

“Dapat pag-aralan mabuti kung ano ba ang mainam na solusyon sa problemang ito. Kasi magpapa-ulit ulit lamang ang mga jeepney strikes na hindi naman nagkakaroon ng solusyon. Kailangang pag-aralan kung ano ba ng mga alternatibo na maaaring gawin para ma-solve ang problema,” ayon kay Valeriano.