Valeriano: Speaker Romualdez walang kinalaman sa pagkalapa ng mga lagda

Mar Rodriguez Jan 24, 2024
138 Views

MULING iginigiit ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na malaki ang kompiyansa nito na walang kinalaman si House Speaker Martin Gomez Romualdez upang mangalap ng lagda para isulong ang People’s Initiative (PI) na mag-aamiyenda sa Konstitusyon.

Nauna rito, ipinahayag ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na naniniwala siyang walang kinalaman si Speaker Romualdez patungkol sa ikinakasang People’s Initiative. Ang inisyatibang inilalatag para amiyendahan ang ilang probisyon ng Saligang Batas.

Binigyang diin ni Valeriano na ang pagkakadawit ng pangalan ng House Speaker sa kontrobersiyal na PI ay maaaring pakana lamang ng ilang grupo na ang layunin ay upang siraan si Romualdez sa harap ng publiko.

Naninindigan si Valeriano na posibleng sinasamantala ng ilang grupo ang pagsusulong ng People’s Initiative para buweltahan nila si Speaker Romualdez bagama’t batid aniya ng nasabing grupo na wala naman kinalaman ang House Speaker sa pangangalap ng pirma para sa PI.

Pinabulaanan din ni Romualdez na iniutos nito ang pangangangalap ng pirma para sa People’s Initiative para isulong ang pag-aamiyenda sa 1987 Philippine Constitution sa pamamagitan ng Charter Change (Cha-Cha).

Sinagot ni Speaker Romualdez ang ipinupukol na akusasyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na mayroon umanong isang kongresista ang nagsabi sa kaniya na na ang pangangalap ng lagda para sa PI ay alinsunod sa direktiba ng House Speaker. habang ipinahayag ni Romualdez na hindi nito alam ang senasabi ng Senador.

Ayon pa kay Valeriano, hindi na kailangan pang gapangin ang pagsusulong ng PI sa pamamagitan ng Charter Change o kaya ay hindi na kailangan pang kumbinsihin ang taongbayan na suportahan ang nasabing inisyatiba. Sapagkat mismong ang mamamayan na ang magpapahayag ng suporta para dito.