Rolando Valeriano

Valeriano suportado panawagan ni Speaker Romualdez na imbestigahan eepney modernization program

Mar Rodriguez Jan 6, 2024
195 Views

SUPORTADO ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang panawagan ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na magkaroon ng imbestigasyon kaugnay sa korupsiyon sa jeepney modernization program.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Valeriano na nararapat lamang na magsagawa ng masusing imbestigasyon ang Kamara de Representantes patungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ng jeepney modernization program alinsunod sa mga sumusunod na kadahilanan.

Ipinaliwanag ni Valeriano na para mapawi ang mga agam-agam ng publiko hinggil sa jeepney modernization program. Kinakailangan talaga aniyang magkaroon ng pagsisiyasat tungkol dito kabilang na ang pagkakaroon ng komprehensibong plano sakaling maipatupad na ang programa.

Binigyang diin ni Valeriano na napakahalaga din na hindi lamang pag-iimbestiga sa korupsiyon ang dapat tutukan. Bagkos, kailangan din umanong pagtuunan ng pansin kung ano ang malinaw na mangyayari sa libo-libong drivers na inaasahang mawawalan ng hanap buhay at prangkisa.

Ayon sa mambabatas, dapat malaman sa isasagawang imbestigasyon kung sino-sino ang mga sangkot sa di-umano’y korupsiyon sa jeepney modernization program at matiyak na ito’y hindi lamang “sour-graping” o pagmamaktol ng ilang personalidad na hindi paborable sa isinusulong na programa.

“Sa akusasyon ng korupsiyon, dapat ang grupo na may sabi nito ay kaya nilang patunayan ang kanilang akusasyon at hindi lamang ito sour-graping dahil nagmamaktol sapagkat hindi sila pabor sa jeepney modernization. Kailangan din nating maging maingat sa imbestigasyon,” ayon kay Valeriano.

Nilinaw ng kongresista na ang kaniyang posisyon sa naturang issue ay hindi “anti-jeepney modernization”. Subalit iginigiit nito na kailangang magkaroon ng tinatawag na “proper organization” o isang maayos na pagpa-plano upang makamit ang “win-win” solution sa pagitan ng mga drivers at pamahalaan.

“We are not anti-modernization. But we need proper organization in the process, we always prefer a win-win solution where the poor drivers are included. Tama lamang na imbestigahan ang isyung ito at supilin ang mga taong sangkot, pero kailangan parin na magkaroon ng komprehensibong plano,” sabi ni Valeriano.