Valeriano

Valeriano suportado panukalang batas para sa libreng medical checkup

Mar Rodriguez Mar 12, 2024
799 Views

SUPORTADO ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang panukalang batas sa Kamara de Representantes patungkol sa pagkakaloob ng “libreng medical check” para sa lahat ng mga Pilipino.

Ayon kay Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na malaki ang maitutulong ng panukalang “libreng medical checkup” partikular na para sa mga Pilipinong indigent o mga mahihirap na mamamayan.

Sinabi ni Valeriano na dahil sa matinding kahirapan at kawalan ng sapat na hanap buhay para sa mga mahihirap na Pilipino. Ilan sa kanila ang hindi na masyadong natututukan ang kanilang kalusugan bunsod ng napakamahal na pagpapa-gamot at mataas na presyo ng mga gamot.

Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano na ang inihaing panukalang batas para sa libreng medical checkup ang katugunan sa problema ng mga Pilipinong mahihirap kabilang na dito ang mga mamamayan naman na masyadong nabibigatan sa mataas na halaga ng pagpapa-checkup sa mga doktor.

Gayunman, binanggit din ng Metro Manila solon na mahalaga din ang nasabing checkup para isang pasyente upang agad na matukoy ang sakit nito at maagapan sa pamamagitan ng ire-resetang gamot tulad ng mga sakit na diabetes at heart disease na itinuturing na “common illness”.

Samantala, inihayag naman ni Valeriano na inaabangan na ng mga magulang ng mga estudyante sa kaniyang Distrito ang pagkakaroon ng karagdagang gusali ng Unibersidad de Manila (UDM) sa Tondo.

Nabatid kay Valeriano na naglaan ang national government ng P400 million sa pamamagitan niya para gugulin naman sa pagpapatayo ng karagdagang gusali ng UDM sa Tondo na nakatakdang simulan sa mga darating na buwan.