Vargas

Vargas isinulong dagdag year-end bonus para sa indigent senior citizens

Mar Rodriguez Dec 19, 2022
184 Views

ISINULONG ngayon ng isang neophyte Metro Manila congressman ang isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong mapagkalooban ng karagdagang “year-end bonus” ang mga indigent o mahihirap na Senior Citizens.

Inihayag ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas. Vice-Chairman ng House Committee on Social Services, na inihain niya ang House Bill No. 6693 upang mabigyan ng “year-end bonus” ang mga indigent Senior Citizens.

Sinabi ni Vargas na nakapaloob sa HB No. 6693 na may pamagat na “Paskong Maligaya para kay Lolo’t Lola Bill” ang pagkakaloob ng nasabing Christmas bonus sa mga indigent Senior Citizens na kuwalipikado naman sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act.

Bukod dito, idinagdag pa ni Vargas na kabilang na ang Republic Act No. 11916 o ang Expanded Social Pension for Indigent Senior Citizens Act.

Ipinaliwanag ng kongresista na nakapaloob sa kaniyang panukala ang pagkakaloob ng karagdagang P1,000 para sa mga Senior Citizens. Bukod pa ang halagang ito sa P1,000 monthly allowance naman na tinatanggap ng mga ito sa ilalim ng Social Pension for Indigent Seniors Program na kailangang bayaran sa ika-25 ng Disyembre kada taon.

“Our Senior Citizens have contributed so much to our country and most have remained capable of supporting their families and grandchildren. This holiday season, let us grant the wish of our Lolos and Lolas to be granted more benefits albeit through a year-end or Christmas bonus,” ayon kay Vargas.

Sinabi pa ni Vargas na ang pagsusulong nito sa HB No. 6693 ay pagpapatuloy lamang ng naiwang “legacy” ng kaniyang kapatid na si dating QC Congressman at kasalukuyang Konsehal Alfred Vargas na siyang principal author ng nasabing panukalang batas.